Timbog ang isang 17-anyos na binatilyo matapos niyang tangkang pagnakawan ang isang nakaparadang utility van sa Barangay Greater Fairview, Quezon City. Ang menor de edad, napag-alamang dati na ring nasangkot sa pagnanakaw.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang sandaling pagmanman ng binatilyo bago niya lapitan ang nakaparadang van nitong Biyernes.
Ilang saglit pa, binuksan na niya ang bintana saka isiniksik ang sarili para makapasok. Dahil dito, nasira pa ang lock ng bintana.
Hindi na nakunan sa CCTV ngunit sinabi ng pulisya na nag-alarm ang sasakyan kaya agad lumabas ang may-ari at hinabol ang binatilyo.
Dalawang tricycle driver ang tumulong na rin sa paghabol at dalawang bagong graduate ng PNPA.
"Noong naabutan namin siya, balak niya pa sana tumakbo. Hinablot na namin. Hinawakan agad, ni-restrain agad ang person, ‘yung suspect natin. Ayun na, hindi na siya lumaban," sabi ni Police Lieutenant Querogean Tajanlangit.
Kalaunan, dumating ang pulisya para hulihin ang binatilyo, na umamin sa krimen.
“Noong tinanong namin siya, wala siyang planong kunin ‘yung sasakyan. Ang plano lang niya is kumuha ng mga gamit doon sa loob ng sasakyan. Kaso P55 lang ang nakuha niya,” sabi ni Lieutenant Colonel Albert Jefferson Relente, Commander ng QCPD Station 5.
Dagdag pa ng pulisya, dati nang nahuli ang binatilyo dahil din sa pagnanakaw.
“May kapatid siya na dalawa at pambaon din niya sa school. At isa pa, mayroon siyang bisyo na pagsusugal. Doon siya naudyok para gawin ang ginawa niya,” sabi pa ni Relente.
Nakatakdang i-turn over ang binatilyo sa Social Services Development ng Quezon City.
“Kung talagang itong CICL natin ay may discernment, silang makaka-assess noon,” ani Relente.
Mahaharap pa rin ang binatilyo sa reklamong theft at malicious mischief. —Jamil Santos/VBL GMA News
