Arestado ang umano'y isang illegal recruiter sa entrapment operation sa Marikina City.
Iniulat ng Unang Balita nitong Miyerkules na ayon sa pulisya, inereklamo ang suspek ng isa niyang biktima na naenganyo raw sa social media post ng suspek na nag-aalok ng trabaho sa Japan.
Hiningi daw ng suspek ang passport at medical certificate ng biktima, at pinagbayad ito ng P10,000 na processing fee.
Pero nang makapagbayad na ng P10,000, sinabihan daw ng suspek ang biktima na hindi matutuloy ang training dahil kulang daw ito sa mga tao.
Nagpadagdag pa umano ang suspek ng P1,000. Nang maibigay na ang pera, hindi na umano ma-contact ng biktima ang suspek.
Mahaharap sa reklamong estafa ang suspek na hindi pa nagbigay ng pahayag. —LBG, GMA News
