Kinagigiliwan ng netizens ang isang binata, hindi lang dahil sa kanyang mga paninda online, kundi pati na rin ang mabebenta niyang mga banat.
Ang isang mag-asawa naman, dahil sa online selling, kumikita na ng halos P500,000 kada buwan.
Sino-sino ang mga online sellers na ito? Kilalanin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica, Soho,” pinagpupuyatan daw ngayon ng netizens ang 28-anyos na si Vervyx Laron o Vrix. Bukod daw sa magaling na sales talk, gwapo at simpatiko pa.
“Karamihan ng mga online seller naman talaga dyan ay may itsura. Nagkataon lang din talaga siguro na natuwa sila sa kung paano sila sumagot,” pahayag ni Vrix.
“Nag-start po ako mag-online selling noong 2021. Binigyan ako ng kaibigan ko ng 15 pieces ng damit tapos binenta ko siya. Siguro mga 10 minutes naubos ko siya. Kaya ginawa ko siyang sideline,” dagdag pa niya.
Para maging maganda ang fit sa kanya ng mga i-mo-model niyang damit sa live selling, kailangan munang mag-workout ni Vrix.
“Dati po sinubukan kong maghubad-hubad sa live, tinigil ko kasi ayaw ko ‘yung response na pinupuntahan ako kasi naghuhubad ako. Mas gusto ko ‘yung pumupunta kayo sa akin kasi natutuwa kayo sa binebenta ko,” saad niya.
Pasado 10 p.m. nagsisimula mag-live sell si Vrix. Kumpleto rin daw siya sa mga props ng kanyang gagamitin para sa mga punchline.
“Scripted daw po ang sinasabi ko. Apat na oras akong nagsasalita sa camera, hindi ko naman po makakabisado ‘yun,” aniya. “Minsan pati math problem. Diyos ko, pati square root tinatanong sa akin. Minsan lahat ng gulay sa bahay kubo nahanap na yata nila sa akin.”
Tourism graduate si Vrix at nag-Overseas Filipino Worker sa Dubai. Pero nang bumalik sa Pilipinas noong 2019, dito na niya kinarir ang live selling.
Sulit naman daw ang kanyang gingawa lalo’t sa isang buwan kumikita siya ng P35,000 to P70,000.
“Kapag maganda, siguro nasa P130,000 o P120,000. Inextend ko ang ‘yung live hanggang umaga. Siguro po umaabot ang kita ko P3,000 isang araw, nababayaran ko ang bills ko. Yung sasakyan na hinuhulugan ko, ‘yung pangkain namin, ‘yung pang-support ko sa family ko,” sabi ni Vrix.
Samantala, ang mag-asawang sina Mel at Marcy Lualhati, pinasok din ang negosyong pag-online sell ng mga damit sa puhunang P2,000.
“Maraming bagay akong pinagdaanan along the way. Nandyan ‘yung nag-aaral ako pero wala akong libro. Hindi ako makapag-exam kasi hindi ako bayad ng tuition fee. ‘Yun ‘yung mga bahay na nag-push sa akin para maiahon ko ang pamilya ko sa hirap,” ani Marcy.
“Habang nagtatrabaho kami sa bangko tuwing Monday nag-tiangge kami ni Marcy bumibili kami ng mga damit na kanyang i-mo-model. Ito ay nagkakahalaga na P100 and then naibebenta po namin ito ng P150 or minsan doble pa,” sambit naman ni Mel.
Mula sa reselling ng mga ready to wear clothes, ang mag-asawa ay nakaipon ng P100,000 mula sa sweldo sa bangko at kita sa online selling.
Dito na sila nakabili ng makinang panahi at sila na mismo ang gumagawa ng ibinebenta nilang mga damit.
Ngunit dahil sa pandemya, tumumal ang kanilang benta.
“Nung nag-start po ang pandemic, nakakalungkot na maraming trabahador namin ang nawalan ng trabaho,” kwento ni Mel.
Sa halip na magmukmok sa bahay, naisipan ng mag-asawa na manahi at magbenta ng damit pambahay.
“Nag-try akong magpatahi ng mga shorts, matching top. Ibinenta ko ‘to online hanggang sa naging word of mouth,” dagdag pa ni Macy.
Kung barya-barya lang noon ang kita nila Mel at Macy, ngayon, umaabot na ng P300,000-P400,000 kada buwan.
Dahil dito, nakapagpatayo na sila ng kanilang dream house, nakabili ng mga sasakyan, motor at sariling patahian. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA News
