Natukoy na ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ang taong nasa likod ng Facebook account na sangkot sa banta ng pagpapasabog sa isang pampublikong paaralan sa Taguig City kamakailan.

Sa ginawang imbestigasyon, napag-alaman ng Taguig City Police na isang menor de edad ang may kagagawan ng bomb threat, ayon sa ulat ni Mao dele Cruz sa dzBB Super Radyo nitong Sabado.

Ayon sa Taguig PNP, sinuspinde ang mga klase sa paaralan kasunod ng mga banta ng bomb threat.

Lumabas din sa imbestigasyon na sa naturang paaralan din nag-aaral ang suspek na babaeng estudyante.

Nakatakdang magpatawag ng press conference ang lokal na pamahalaan sa Lunes, November 14.

Matatandaang walang nakitang pampasabog sa ginawang search operasyon ng mga pulis sa paaralan na nakatanggap ng bomb threat noong November 7, 2022. —LBG, GMA Integrated News