Hindi lang daw kilabot at takot ang mararamdaman kung habang naglalakad ay may kasabay kang aninong itim pero hindi sa iyo. Kung ang misteryosong anino ay parang nagiging stalker na at tila sundo o senyales ng kamatayan, ano ang gagawin mo?

Sa programang “Dapat, Alam Mo!”, isinalaysay ni Jewel Sevilla na parang guni-guni lang na may sumusunod sa kanya, pero kalaunan daw mas nakaramdam na siya ng takot dahil tila laging may nakatingin ito sa kanya.

“May mga pagbabago pong nangyari kaya lang po puro pagpaparamdam na lang po at saka parang mga guni-guni na lang ang aking nakikita at nararamdaman,” ani Jewel.

“Parang may dumadaan sa likuran ko doon sa may bahay namin. Tapos biglang parang may nakatingin, matalim na tingin. Siyempre natakot po ako noon,” dagdag pa niya.

Pero binalewala lang daw ni Jewel ang kanyang mga nararamdaman hanggang sa muli siyang nabalot ng takot nang ang tila stalker niya ay nakakapag-pagalaw na raw ng mga bagay.

ADVERTISEMENT

“Lumipat po ako kami ng pwesto ng salon. Doon parang may nararamdaman na lang po kami na black spirit na biglang may nababasag na gamit, gumagalaw, tapos parang biglang may dumadaan na hangin,” aniya pa.

Ang itim na imahe ng mistulang anino na lagi raw nakasunod kay Jewel, mas nadadalas daw umano ang pagpaparamdam.

“Mayroon pong anino na parang sumusunod kapag umuuwi po ako du’n sa may bahay namin. ‘Yung bahay po namin, dadaanan ang sementeryo. Tapos parang maliblib,” sambit pa ni Jewel.

Tila nagpapahiwatig din daw ang anino sa kanya.

“’Pag paling ko napamulat ako, tapos nakatayo lang siya sa gitna ng kama ko. Nagtataka ako bakit may nagpakita sa akin na ganoong imahe. ‘Yun pala ‘yung malalaman namin na patay na ang pinsan ko kinabukasan,” giit pa ni Jewel.

"Hanggang sa dumating po na nakita ko na po mismo ang amo ko na akala ko nandu’n na siya tapos biglang wala, tapos makikita ko nasa labas lang pala siya ng salon,” dagdag pa niya.

“Akala namin nasa loob. Parang kapag may nakikita po akong ganoon, parang may nabalitaan na lang po akong kakilala na bigla na lang pong nawawala. ‘Yung amo ko naman po nakita ko siya three weeks bago siya mamatay,” banggit pa ni Jewel.

Alam ni Jewel na mas lalo siyang babalutin ng takot hanggat hindi niya nalalaman kung ano ang katotohanan sa likod ng aninong itim nagpapakita sa kanya.

Para masagot ang mga katanungan ni Jewel, humingi ng tulong ang team ng “Dapat Alam, Mo!” kay paranormal researcher Ed Caluag.

Ano ba ang pakay ng aninong itim kay Jewel? At ano naman ang paalala ng mga eksperto sa pagbubukas ng 3rd eye? Tunghayan ang kwento sa video ng “Dapat Alam Mo!” —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News