Arestado ang tatlong lalaki na nagbebenta umano ng mga pinekeng mamahaling relos. Ang mga biktima, bumili raw sa mga suspek para ipang-regalo nitong Pasko.

Sa eksklusibong ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, nahuli ang mga suspek sa isang entrapment operation na ikinasa ng mga tauhan ng District Special Operations Unit ng Southern Police District.

Kumpiskado ang limang luxury watches na dala nila, na kamukhang-kamukha ng orihinal.

ADVERTISEMENT

“Kinokopya nila mismo ‘yung mga original na numero ng mga relong ito. Kahit mag-check ka sa internet, makikita mo na existing talaga ‘yung serial number na ‘yun,” saad ni SPD director Police Brigadier General Kirby John Kraft.

Ayon sa ulat, nabisto ang panloloko nang ipatingin at ipa-authenticate raw ng biktima sa luxury watch store ang dalawang unang biniling relos.

May iba pa raw nabiktima ang mga suspek sa Metro Manila at Bulacan, na bumili para ipang-regalo sana ngayong Pasko.

“Sa mga nabiktima po ng grupong ito ay maaari po kayong tumungo dito sa SPD [para] madagdagan po ang kinakaharap nilang kaso,” ani Kraft.

Patuloy na sinisikap ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng mga suspek, na nahaharap sa paglabag sa Intellectual Property Code at estafa.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News