Tinatayang 100,000 public utility vehicles (PUV) ang sasali umano sa isang linggong tigil-pasada simula sa Marso 6 para tutulan ang PUV Modernization Program ng pamahalaan, na magreresulta sa paglaho ng mga tradisyunal na jeepney.

Sa ulat ng GTV's Balitanghali nitong Martes, sinabi ni Manibela transport group chairman Mar Valbuena, na tuloy ang kanilang protesta matapos nilang tanggihan ang alok na pag-uusap ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.

“Wala na munang diyalogo, I will stand on my ground. Tuloy na lang namin ito kung ganyang nayayabangan na lang tayo. Subukan po natin sa Lunes, subukan po natin ng isang linggo magkakaalaman po tayo,” ayon kay Valbuena.

Magsisimula ang welga sa ganap na 7 a.m. ng March 6 at magtuloy-tuloy hanggang March 12, 2023.

Mahigit na 100,000 PUVs umano ang sasali sa welga mula sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, at Cagayan De Oro.

Ayon sa grupo, tinatayang mahigit 200,000 pasahero naman sa Metro Manila ang posibleng maapektuhan ng welga. Hiniling nila sa DOTR at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na iurong na ang modernization memorandum circular.

Nauna nang inihayag ng pamahalaan na hanggang June 30 na lang ang deadline para sa mga indibidwal na operator ng mga tradiyunal na jeepney at UV express para bumuo o sumali sa kooperatiba o korporasyon para makakuha ng modernong jeepney.

Kung hindi ito magagawa, babawiin na ang kanilang prangkisa.

Sa harap ng bantang welga, inihayag ni Bautista na patuloy nilang ipatutupad ang programa sa modernisasyon ng mga jeepney.

"'Yung pagbasura ng modernization program natin ay siguro ay hindi naman tama. Kailangan i-modernize natin 'yung ating public utility vehicles... ang tawag ko nga diyan 'yung CASA sa amin sa transport sector, CASA is very important no? CASA means na convenient, accessible, safe and secure, and affordable," giit ni Bautista.

"'Yan ang laging pinag-iisipan namin sa transport sector and kung hindi mamomodernize yung PUVs, hindi natin maiimplement 'yung CASA program ng Department of Transportation," patuloy.

Naghahanda naman ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ng contingency plan para sa naturang welga. — FRJ, GMA Integrated News