Nagulungan ng bus ang isang matandang lalaki matapos siyang makipagtalo sa driver dahil sa hindi nito pagsusuot ng face mask sa Sao Paulo sa Brazil.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, mapapanood sa video na pababa ang matandang lalaki sa bus pero naipit ang kaniyang kamay sa pinto ng sasakyan.
Nang umandar na ang bus, sumubsob sa kalsada ang lalaki saka nagulungan.
Ayon sa mga saksi, pinuna ng matandang lalaki ang bus driver dahil sa hindi nito pagsusuot ng face mask, na mandatory sa public transport sa Brazil, at nauwi ito sa pagtatalo ng dalawa.
Sinabi ng bus driver na hindi niya alam na nasagasaan niya ang matandang lalaki kaya bumalik siya sa lugar.
Inalis na ang bus driver sa kumpanyang kaniyang pinagtatrabahuhan, samantalang wala pang ulat tungkol sa kondisyon ng matandang lalaki. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News