Nasabat ng mga awtoridad mula isang high-value target ang aabot sa P6.8 milyong halaga ng droga sa buy-bust operation sa Taguig City.

Iniulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes na isinagawa ang operasyon sa Arca Compound ng lungsod laban sa isang suspek na si alyas "Baby."

Pero hindi sumipot ang target at sa halip, dumating sa pinag-usapang lugar  ang courier na si Jun Mark Salonga.

Nakuha mula kay Salonga ang mahigit-kumulang isang kilong shabu na may street value na P6.8 milyon, na inorder ng mga pulis na nagpapanggap na buyer mula sa target na si Baby sa pamamagitan ng text message.

Matipid umano sa salita si Salonga, pero napag-alamang siya pala mimso ay isa ring high-value target ng Pateros Police dahil sa pagtutulak.

"May grupo po ito. 'Pag ganito kalaki may grupo ito. So, yan ang ating inaalam," ayon kay Police Colonel Kirby John Kraft ng Sourthern Police District.

Isasailalim sa inquest proceedings si Salonga dahil sa paglabag sa Dangerous Drugs Act.

Susurin din ng crime laboratory ang nasabat na droga. —LBG, GMA Integrated News