Napatunayan ng isang 15-anyos na lalaki na hindi pa huli para sa kaniya na abutin ang kaniyang pangarap na makapag-aral nang makapagtapos na siya sa kinder.

Sa ulat ni Katrina Son sa GTV "State of the Nation" nitong Martes, sinabing itinuturing ni Enrico Pantoja na isa sa pinakamasayang araw sa buhay niya na magtapos sa kinder at may special award din siyang natanggap.

"Akala ko po hindi na talaga ako makakapag-aral. Nung grumaduate po ako, masaya po ako kasi totoo yung sinabi sa akin nung mga nakakatanda sa akin na hindi masamang mag-aral, libre lang kaya mag-aral ka," ayon kay Enrico.

Wala nang mga magulang si Enrico, at ang kumupkop sa kaniya ang nagtanong kung gusto niyang mag-aral.

Bagaman hirap sa umpisa sa pag-aaral, kinalaunan ay nasanay na rin si Enrico at kuya ang tawag sa kaniya ng kaniyang mga kaklase.

Ayon kay Raquel Liu, na kindergarten teacher sa Amaya Elementary School, noong una ay nahihiya si Enrico pero nang tumagal ay madali na itong nakasabay sa kanilang pinag-aaralan.

Hindi lang umano natututong magsulat at magbasa si Enrico, bagkos ay naging mahusay din ang binatilyo sa pakikipag-ugnayan na kaniyang naging special award.

Kahit nagsisimula pa lang si Enrico sa kaniyang pag-abot sa kaniyang pangarap na makaangat sa buhay, nasa isip na niya na makaganti sa kabutihan ng mga taong tumutulong sa kaniya.

At ang payo niya sa iba, "Sa mga ka edad ko po diyan, 'wag po kayong mahiya na mag-aral, hindi naman tinitingnan ng eskuwelahan kung ilang taon na po yung dapat mag-aral." --FRJ, GMA Integrated News