Isang bilanggo ang patay, habang sugatan ang siyam na iba pa sa nangyaring kaguluhan sa New Bilibid Prison.

Sa ulat ni Nico Waje sa GTV News "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing batay sa impormasyon mula sa mga awtoridad, nangyari ang kaguluhan nitong Martes ng gabi sa Quadrant 3 sa south area ng maximum security compound.

Nagkaroon umano ng iringan ang dalawang bilanggo mula sa grupong Bahala na Gang at Batang City Jail.

Isa sa mga PDLs ang nagpaputok umano ng baril na ikinasugat ng siyam na biktima.

Dinala sa ospital ang mga sugatan, habang iniimbestigahan na kung papaano naipasok sa bilangguan ang baril.

Matapos nito, isang PDL din ang namatay dahil sa saksak. Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan ito sa nangyaring kaguluhan na nauwi sa pamamaril.

Bago ang kaguluhan, isang bangkay ng PDL ang nakita naman sa septic tank.
Nawawala umano ang PDL mula pa noong July 15.

Nitong Martes, nadiskubre ang bangkay sa septic tank sa tulong K-9 unit mula sa Philippine Coast Guard.

Patuloy pa ang imbestigasyon. --FRJ, GMA Integrated News