Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na ipatutupad na ang taas-singil sa pamasahe sa Light Rail Transit Line 2 (LRT2) simula sa Agosto 2.
Ayon sa anunsyo ng DOTr ngayong Lunes, magiging P14 na mula sa dating P12 ang minimum load sa beep cards.
Ang maximum fare naman na mula Recto Station hanggang Antipolo Station ay magiging P33 mula sa dating P28.
Sa single-journey ticket, ang minimum fare ay mananatili sa P15, habang tataas ang maximum fare sa P35 mula sa P30.
Patuloy naman na makatatanggap ng 20% discount ang mga estudyante, senior citizens, at persons with disability (PWDs).
“(A)ng karagdagang pamasahe ay gagamitin para sa pagsasaayos at pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo ng LRT2,” ayon sa inilabas na abiso ng DOTr.
Inanunsyo ng DOTr ang fare hikes noong nakaraang buwan matapos aprubahan ng Rail Regulatory Unit (RRU) noong April. Pero ipinagpaliban ito sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Una nang sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista, na ipinagpaliban ang implementasyon ng taas-singil sa pamasahe sa LRT1 at LRT2 para pag-aralan ang "economic impact” sa mga pasahero. — FRJ, GMA Integrated News

