Nalunod ang isang babae sa Caloocan matapos dumiretso sa ilog nang mahulog mula sa bubong ng kaniyang inuupahang bahay, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.

Sinubukan pang isalba matapos maiahon mula sa ilog ang biktima pero idineklara siyang dead on arrival sa ospital.

Ayon sa purok leader, bandang 9 p.m. nitong Miyerkoles nang makatanggap sila ng tawag na nahulog sa ilog ang biktima mula sa bubong ng inuupahan nitong bahay.

Ilang minuto bago ang insidente, nakipag-inuman daw ang biktima kasama ang kinakasama nitong babae at isa pang kaibigan. Nauwi raw sa pagtatalo ang inuman.

Sa hindi malamang dahilan, nilagay daw ng kinakasama ng biktima ang alagang tuta ni Eloisa sa bubong ng bahay kaya pinuntahan ito ng biktima.

"Umiiyak siya kasi 'yung aso niya nasa bubong, pilit niyang kinukuha sa bubong 'yung aso niya. Pilit siyang umaakyat, pinipigilan namin siya," kuwento ng isang kainuman ng biktima.

Dagdag pa ng kainuman, nasira ang yero ng bubong kaya nahulog ang biktima.

Iniimbestigahan na ng pulis ang pangyayari.  —KBK, GMA Integrated News