Nagulat at walang nagawa ang isang babae nang makita niyang gumagalaw na ang screen ng kaniyang cellphone na mag-isa. Nangyari raw ito makaraan siyang kumonekta sa libreng public wifi.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng biktima na dati na siyang gumagamit ng mga libreng public wifi hanggang sa mangyari ang insidente.

Sa video, makikita na tila hinuhulaan ng hacker ang mobile phone’s password nito at tila sinubukan pang kunan ng larawan ang biktima para sa face ID.

Dahil kontrolado ng hacker ang smartphone mula sa labas, wala na siyang magawa.

Nang madala niya sa customer service ng cellphone, kinumpirma sa kaniya na na-hack nga ang kaniyang telepono.

“May nag-remote access nga talaga nung phone ko. Yung solid grey circle, ‘yun. Kinonfirm naman nila na iba nga ‘yun sa assistive touch. Parang tinawag nila itong pointer na lumalabas kapag naka-connect ‘yung device mo sa isa pang device, at puwedeng ‘yung kabilang device ‘yung magko-control nung isa pang device,” ayon sa biktima.

Inihayag naman ng isang technology experts na mababa talaga ang security encryption sa public wifi services kaya nakakapasok ang mga hacker.

May pagkakataon umano na hindi nalalaman ng may-ari ng device na na-hack siya.

“Kung ako yung hacker, dapat hindi puwedeng malaman ng victim ko na ina-access ko na pala ang device niya, na na-access ko na data niya,” sabi ni Jun Macarambon.

Payo niya, mag-ingat kapag gumagamit ng free wifi at kung maaaari ay gumamit ng data encryption services gaya ng VPN bilang proteksyon.

Iwasan din ang pag-download o pagpasok sa mga ipinapadalang links at files, at ugaliin ang regular na pagpapalit ng passwords. — FRJ, GMA Integrated News