Nasawi sa 26 na saksak ang isang batang Muslim na may dugong Palestino sa Plainfield Township, Illinois, USA, habang sugatan naman ang kaniyang ina.
Sa ulat ng Reuters, mariing kinondena ni US President Joe Biden ang naturang krimen na itinuturing hate crime laban sa mga Muslim.
Ayon kay Biden, ang pamilya ng biktima ay Palestinian Muslims na nagpunta sa Amerika, "seeking what we all seek — a refuge to live, learn, and pray in peace."
"This horrific act of hate has no place in America," giit ng pangulo sa inilabas na pahayag.
Nagtamo rin ng mga saksak pero nakaligtas ang 32-anyos na ina ng bata.
Kinilala ng Council on American-Islamic Relations (CAIR) ang batang biktima na si Wadea Al-Fayoume, habang si Hanaan Shahin naman ang kaniyang ina.
"The Islamophobic rhetoric and anti-Palestinian racism being spread by politicians, media outlets, and social media platforms must stop," saad ng CAIR sa social media platform X, na dating Twitter.
Ayon sa pahayag ng Will County Sheriff's Office, may habang pitong pulgada ang military-style knife na ginamit sa krimen ng 71-anyos na suspek na si Joseph Czuba.
Kinasuhan si Czuba ng first-degree murder, attempted first-degree murder, two counts of hate crime at aggravated battery with a deadly weapon, ayon sa sheriff's office.
"Detectives were able to determine that both victims in this brutal attack were targeted by the suspect due to them being Muslim and the on-going Middle Eastern conflict involving Hamas and the Israelis," pahayag ng Will County Sheriff's Office.
Ayon pa sa ulat, nadatnan ng mga awtoridad si Czuba na may sugat sa noo at nakaupo sa labas ng bahay ng mag-inang biktima.
Nasa loob naman ng kuwarto ang duguang mga biktima.
Una rito, nagpaalala si FBI Director Christopher Wray sa ginanap na conference sa International Association of Chiefs of Police na dapat maging mapagmatyag sa sitwasyon.
"There's no question we're seeing an increase in reported threats, and we've got to be on the lookout, especially for lone actors who may take inspiration from recent events to commit violence of their own," pahayag ni Wray sa ginanap na conference sa San Diego noong Sabado, ayon sa FBI website. —Reuters/FRJ, GMA Integrated News
