Isang delivery rider na maghahatid ng cake at dalawang sakay ng motorsiklo na nakainom umano ang nagkabanggaan sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa CCTV ng Barangay 259 ang salpukan ng mga motorsiklo sa intersection ng Abad Santos at Padre Algue.

Nagtamo ng mga sugat ang delivery rider, na sinabing maingat siya sa kaniyang pagliko sa kaliwa nang mag-green ang traffic light. Mabilis namang lumitaw ang kasalubong na motorsiklo.

Parehong tumalsik ang dalawang sakay ng motorsiklo, na ayon sa delivery rider ay tila nakainom.

Nag-usap na ang dalawang panig at nagkasundong mag-a-areglo.

Tumangging magbigay ng pahayag ang magkaangkas na nagpapagamot sa ospital. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News