Patay sa pananaksak ang isang carwash boy sa Quezon City. Ang suspek sa krimen, ang katrabaho niya na dati na niyang nakaalitan.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang 32-anyos na biktima na si Freddie Panti, na nagtamo ng mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Sa CCTV footage sa pinagtatrabahuhan niyang carwash shop sa Barangay Greater Fairview sa Quezon City, makikita ang biktima na hawak ng suspek na si Rodolfo Hinalas Jr., 26-anyos, habang papunta sa kanilang barracks.
"Yung ating biktima pauwi sa kaniyang pinagtatrabahuan na kung saan stay-in po siya. Nandun rin po yung suspek natin na kung saan hinawakan ang victim para patulugin sa quarters. Nagkaroon po ng konting pagtatalo at nauwi sa karumal-dumal na krimen," ayon kay Police Major Don Don Llapitan Quezon City Police District CIDU (Criminal Investigation and Detection Unit).
Sa follow-up operation, naaresto sa Commonwealth Avenue si Hinalas, na umamin sa krimen.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na nagkasuntukan ang dalawa noong Oktubre matapos umanong bastusin ng biktima ang kapatid ng suspek.
Bagaman nagkaayos umano ang dalawa, hinihinala ng pulisya na nagtama ng galit ang suspek.
"Ginawa ko 'yon dahil ano bastos siya na tao talaga e. Kung hindi pa siya bastos na tao, hindi ko siya masaksak. Sobra na siya e. Kapag malasing na siya sir lahat kaaway niya," ayon kay Hinalas, na mahaharap sa kasong murder.— FRJ, GMA Integrated News
