Makapigil-hininga ang pagsagip ng mga awtoridad sa isang lalaki na magdamag nang nasa tuktok ng poste ng kuryente sa Marikina.

Sa ulat ng Super Radio dzBB sa Facebook page nitong Miyerkules, sinabing naghiyawan ang mga tao nang makuha at maibaba na mula sa poste ang lalaki matapos na manatili ito sa itaas ng may 30 oras sa Barangay Calumpang.

Nagawang makalapit ang mga tauhan ng Specialized Rescue Unit (SRU) ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mga kapatid ng lalaki sa tuktok ng poste gamit ang manlift o tila mahabang crane.

Pero hindi naging madali ang pagkuha sa lalaki dahil nanlalaban ito at nanghahataw ng kaniyang hawak.

Nang makakuha ng pagkakataon, hinatak nila ang lalaki sa kanilang kinalalagyan sa manlift.

Bago masagip, may pagkakataon pa na tumatawid ang lalaki sa mga kable ng kuryente.

Dahil sa ginawa ng lalaki, mahigpit 4,000 kabahayan ang naapektuhan at nawalan ng suplay ng kuryente simula nang umakyat ito sa poste kahapon.

Sinabi sa ulat na dadalhin muna sa ospital ang lalaki para masuri ang kondisyon nito.

Ayon pa sa ulat, ikinuwento ng kapatid na may problema sa pamilya ang lalaki na hiniwalay ng asawa at gumagamit ng ilegal na droga.-- FRJ, GMA Integrated News