Arestado sa entrapment operations ang tatlong suspek na nagpapanggap umanong staff ng isang senador para makahingi ng pera sa negosyanteng papangakuan nila ng proyekto.
Sa ulat ni John Consulta sa GTV “Balitanghali” nitong Miyerkules, sinabing nadakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) ang mga suspek na sina Ryan Lester Lino, alias “Luis David Tan,” Tina Joson, at Ma. Luisa Barlan.
Nakuha kay Lino ang pekeng identification card na nagpapakilalang tauhan siya ni Senador Sherwin Gatchalian.
“Nagsimula ito noong ‘yung mga staff ni Senator Gatchalian at may ni-refer sila na complainant kasi nalaman nila may nanghihingi ng pera. Ginagamit ‘yung opisina nila,” ayon kay NBI-AOTCD Chief Jerome Bomediano.
Kuwento ng biktimang itinago sa pangalang “Jhun,” hiningan siya ng suspek ng P500,000 kapalit ng landfill supply contract sa reclamation project sa Pasay City.
“‘Yung ibibigay niyo po na pera, na-i-advance ninyo po as lock-in, naka-notarize na po ‘yun. ‘Magkano po ‘yung project?’ sabi ko sa kanila. P800 million. Bakit naging P800 million? ‘Yung P400 million daw po para sa boulders at P400 million is... itatambak po diyan sa Pasay,” ayon sa biktima.
Sinabi naman ng isa pang biktima na si Modesto Gubaton, na P700,000 ang pera ang hiningi sa kaniya ng mga suspek.
“Itong dalawa na nakausap namin, si Carlo Africa-Maderazo and pakilala niya sa amin as per his ID from the Commission on Appointments, Luis David Tan, under the office of Senator Gatchalian. Siya ‘yun. Di ako maaaring magkamali,” giit ni Gubaton.
Inamin ni Lino na hindi talaga siya tauhan ni Gatchalian, at napag-utusan lang siya.
“Hindi po. Pina-rider lang po sakin ‘yan. Nautusan lang po ako. Ininsist po ‘yung pera. Hindi ko naman po talaga kinuha,” paliwanag niya.
Itinanggi naman ni Barlan ang akusasyon na sinabing: “Hindi po totoo ‘yung binibintang sa amin. ‘Yung totoo po, kami po ay nasa ibang lugar”.
Tumanggi namang magkomento si Joson.
Sa pahayag, kinondena ni Gatchalian ang paggamit sa kaniyang pangalan.
"I strongly denounce the fraudulent actions of Ryan Lester Dino, alias David Luis Tan, Carlo Africa Maderazo, and three others who falsely asserted their affiliation with me while engaging in criminal activities,” anang senador.
"Again, let me be crystal clear: I will vehemently oppose any wrongdoing within or outside my office, and I will never authorize any individual to transact on behalf of my office,” dagdag niya.
May nakuha ring dokumento sa mga suspek na nagpapakita ng umano'y kontrata na pirmado ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano.
Mariin naman itong itinanggi ng alkalde.
“Wala kaming pinirmahan na ganitong klaseng dokumento,” ani Calixto-Rubiano. “Nagtataka nga ako bakit kung tungkol sa reclamation area, bakit kailangan pumirma ng head ng DSWD. Makikipag-tulungan po ang LGU dahil ayaw na ayaw ko po na i-involve ang LGU kung talagang di naman po totoo.” —FRJ, GMA Integrated News
