Malubha ang kondisyon ng isang lalaki matapos siyang mahulog nang subukang sumampa sa andas ng Itim na Nazareno sa mga unang oras ng Traslacion.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes, sinabi ng rescuer na tumama ang batok ng lalaki sa sahig kaya ikinonsidera siya ng medic team na “red tag” o malubha ang kondisyon at posibleng dalhin sa ospital.

Nawalan naman ng malay ang isang babae matapos humawak sa lubid ng andas.

Sinabi ng kaniyang partner na palayo na sila sa lubid nang kapusin ng hininga ang babae dahil manipis ang hangin sa gitna ng napakaraming deboto malapit sa andas.

Ilang tao rin ang nabubog ang paa sa gitna ng prusisyon.

Nakahalo ang iba’t ibang volunteer rescue group sa mga namamanata para magbigay ng paunang lunas sa mga nangangailangan.

Deboto rin ang ilan sa mga rescuer kaya ang pagsagip ang paraan nila ng pamamanata.

Ayon sa isang rescue group, handa silang masaktan at maipit sa dagat ng mga deboto para makatulong at ipakita ang debosyon sa Señor Nazareno.

Nasa walo na ang kanilang mga natugunan para sa medikal na atensyon, lalo ang mga nakatapak ng matatalim na bagay at mga nahilo. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News