Pumanaw na ang kongresista ng Palawan na si Edgardo "Egay" Salvame, ayon sa inilabas na pahayag ng kaniyang pamilya.

"Manong Egay lived a life of purpose and adventures. Sa maiksing panahon na siya'y ating naging Congressman, sinikap niyang gawin ang lahat ng kanyang makakaya upang magdala ng liwanag, tulong, pagbabago, pagmamahal at kalinga sa bawat isang Palawenyong kanyang sinumpaang tulungan. Siniguro niyang masimulan ang kanyang mga ipinangakong programa para sa bayan," saad sa pahayag.

Umaga umano ngayong Miyerkules nang pumanaw si Salvame pero hindi binanggit kung ano ang dahilan.

"Hinihiling ng pamilya ang inyong mga panalangin para sa mapayapang pamamahinga ng kaluluwa ng ating minamahal na Congressman," ayon sa pamilya.

Sa hiwalay na pahayag, pinuri ni Speaker Martin Romualdez si Salvame dahil sa dedikasyon nito sa trabaho at tinawag niyang "true advocate for Palawan."

"His commitment, integrity, and ceaseless effort to advocate for his constituents have profoundly impacted all of us fortunate enough to have known and worked with him," ayon kay Romualdez.

Sinabi pa ni Romualdez na ang pagpanaw ni Salvame ay magdudulot ng "significant gap in Congress, but even more so, it leaves a profound sense of loss within us."

"Egay was not just a colleague; he was a trusted companion and a source of inspiration, leaving behind a legacy of service that will be celebrated and remembered for years to come," ayon sa lider ng mga kongresista. —FRJ, GMA Integrated News