Timbog ang isang lalaki na nanggagahasa umano ng menor de edad na itinuturing siyang lolo-lolohan sa Tondo, Maynila. Ang biktima, nahanap ang suspek nang maka-video call niya ito.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, nadakip ang suspek makalipas ang tatlong taong pagtatago.

Edad 13 noon ang biktima nang umano'y gahasain siya ng suspek.

Matapos ang krimen, nagtago ang suspek sa Valenzuela at Maynila, ayon sa Manila Police District.

Sinabi pa ng pulisya na biktima mismo ang nakatukoy sa pinagtataguan ng suspek.

"Noong magka-video call sila na record nu'ng bata, 'yung area na pinagtataguan daw po nitong suspect ay mismong doon sa ancestral house nila na napuntahan na rin ng bata," sabi ni Police Captain Veronica Apresurado ng Manila Police District.

Nakapanayam ng GMA Integrated News ang bata, na 15-anyos na ngayon, na nagsabing gumagamit umano ng bawal na gamot ang suspek.

"'Yung galit ko sa kaniya hindi mawawala po, panghabambuhay na po," saad ng biktima.

Tumangging magbigay ng pahayag ang lalaki, na nahaharap sa kasong rape by sexual assault, alinsunod sa Section 5 B Article 2 ng Republic Act 7610 o Special of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Ayon sa pulisya, hindi naman itinanggi ng suspek ang paratang sa kaniya. Kukuha na lamang daw siya ng abogado. — VDV, GMA Integrated News