Nagpaalala ang isang relationship coach na hindi nakatutulong ang pagiging possessive at controlling sa pagsasama at maaaring makasira sa relasyon.

“Wala ‘yung possessive, controlling, ‘yan ang mga nakakasira,” sabi ng relationship and parenting coach na si Maribel Sison-Dionisio mula sa The Love Institute, sa panayam sa kaniya sa GMA show na “Unang Hirit.”

May paglilinaw din si Sison-Dionisio tungkol sa Bible verse na nagsasabing dapat na magpasakop ang babae sa asawang lalaki, at sinabing “taken out of context” ito ng ilan.

“The one in the Bible, nakalimutan nila, there is a paragraph before that, that says, the husband is the head of the Church and it assumes that the husband is responsible. So we will follow when responsible and he's thinking of the whole family. Kung hindi, kailangang mag-isip din si misis about these things. So ‘yung context na ‘yun, usually is taken out of context. Equality din naman eh, what is good for him will be good for her, is very important,” pagdiin niya.

Tungkol naman sa pagiging protective ng isang asawa, sinabi ni Sison-Dionisio na dapat linawin nila kung hanggang saan ang mga hangganan para maiwasan ang mga hindi pagkakaayos.

“Dressing up, eating, where to go, what to do, pinag-uusapan para nababawasan nga ang conflict. But when it comes na nagkakaiba, again, pag-usapan. ‘Maganda ‘yan for this occasion, pero this one, for now, sana ‘yung sinuot mo, noong isang-araw, that's better,’” payo niya.

Sabi pa ni Sison-Dionisio, dapat maglaan muna ang magkasintahan o mag-partner ng ilang taon para makita ng isa’t isa ang kanilang mga tunay na karakter, mga pinahahalagahan, at mga hilig, para mas madaling makapag-adjust at matanggap ang mga pagkakaiba.

“Three years sana, para makita mo ‘yung totoong pagkatao, what you're passionate about, what kind of person you are. Iba ‘yung naranasan mo, at alam mong ganito siya talaga. Mas madaling tanggapin ‘yun at pag-usapan. Kasi the friendship is the one formed in the three years eh. Hindi naman kaagad ‘yan. ‘Di ba? ‘Pag friends kayo, naga-adjust ka,” patuloy niya.

Tinanong din si Sison-Dionisio kung ano ang nararapat gawin kung magkaiba ng gusto ang mag-asawa.

“‘Pag magkaiba, at madalas mayroon namang pagkakaiba, so pag-usapan. Hindi ‘yung si lalaki lang ‘yung susunod o si babae lang ‘yung susunod. Pakinggan muna natin ‘yung pananaw o ‘yung pag-iisip ng bawat isa. May istorya ‘yan eh, may kuwento ‘yan. At kadalasan, ‘pag narinig mo ‘yung background at tsaka ‘yung background niya, nagkakaroon ng liwanag at mas madaling gumawa ng decision, a joint decision. So ‘yun ‘yung naaayos,” sabi niya.

At kung nananatili pa rin ang pagkakaiba dahil sa kanilang mga pinahahalagahan o values, maaaring subukan ng mag-asawa ang “agree to disagree.”

“May iba naman talaga, maski na nagkwentuhan sila, talagang naiiba. Because maybe they have different values or different ways of doing things. So ngayon, pag-uusapan, is there another way? Kasi ‘Gusto ko ito, gusto mo ‘yan, can we have both?’ Agree to disagree,” sabi niya.

Sa usapin naman ng trabaho, sinabi ni Sison-Dionisio na walang karapatan ang isang asawa na bawalan ang kabiyak sa mga gusto nitong gawin.

“Hindi, dapat pag-usapan again. Hopefully pinag-uusapan ‘yun bago nag-asawa. Kasi magiging issue ‘yan eh. Or baka si wife can do a part-time job. O baka si husband ayaw rin magtrabaho. Gusto niya house husband, may ganiyan din. So pinag-uusapan ito and you have to negotiate,” patuloy niya.

Kaya kung nahihirapan ang mag-asawa na resolbahin ang kanilang mga problema, maaari nilang tawagin ang kanilang mga ninong at ninang sa kasal.

“Tatawagin niyo ‘yung mga ninong at ninang niyo sa kasal. Hopefully, pwede silang magpayo sa inyo. Kaya may ninong at ninang tayo sa kasal, para tumulong sa atin to be objective about the issue. If not, then you go to a professional,” anang coach.

Nagpaalala rin si Sison-Dionisio tungkol sa pagpo-post ng away mag-asawa sa social media, na sinabing maaaring mapahiya ang partner dahil sa mga public post at mapalala lamang ang sitwasyon.

“‘Pag nilabas mo sa social media, nagsusumbong ka doon, eh, hindi tama ‘yun. Napapahiya na ‘yung isa. Magsumbong ka kay ninong at ninang, private, ‘di ba? Pero kadalasan, ‘yung sinasabi namin, ‘wag sa tatay or nanay niyo kasi pumapanig sila sa isa,” sabi niya.

Hinikayat pa ni Sison - Dionisio na gumawa ang mag-asawa ng kanilang “sumbungan community,” gaya ng kanilang entourage sa kasal.

“Or, ‘di ba ‘yung entourage mo, you have very good friends, both of you. ‘Yan ‘yung kaya gumawa ka ng sumbungan community mo. Kaya pipili ka nu’ng mga mature and they will not align at hindi sila mag-iisip, ‘Ay, ang sama mo itong ginawa mo sa friend ko.’ Kaya choosing. Ang ginagawa ng iba, may agreement silang dalawa. Agree tayong dalawa, itong taong ‘to, we can trust and they can be objective at hindi tayo parang minamaliit or magku-kuwento,” payo pa niya.

Kasama ni Sison-Dioniso bilang guest ang SexBomb Girls member na si Sunshine Garcia, na pinag-usapan ang samahan nilang mag-asawa na si Alex Castro.

"Hindi ito ownership na, 'ay hindi puwede. Huwag mong gawin ‘yan, hindi ka dapat ganito, hindi ka dapat yun.' Hindi ganun eh. So nagbibigayang kaming dalawa. Mas maganda ‘yung parehas ‘yung sinusuportahan kung ano ‘yung gusto ng isa't-isa,” sabi ni Sunshine. – FRJ GMA Integrated News