Patuloy na naghihigpit si U.S. President Donald Trump tungkol sa immigration policies sa Amerika sa ilalim ng kaniyang administrasyon. Ano nga ba ang karapatan ng mga Pilipino sa U.S. kapag may nakaengkuwentrong Immigration and Customs Enforcement (ICE) agents, na nangangasiwa ng polisiya tungkol sa imigrasyon?

“I have experienced Filipinos who’ve been traumatized by Trump’s second term. Trump is bringing a lot of fear and trauma to the Filipino as well as to other immigrant countries,” sabi ni Atty. Michael Gurfinkel, US Immigration lawyer.

Lumabas sa datos ng U.S. Department of Homeland Security na lampas tatlong milyong “illegal aliens” na ang lumikas sa U.S. sa unang taon pa lamang ng pagbabalik ni Trump sa pagkapangulo.

Kasama rito ang ilang hindi dokumentadong Pilipino.

Sinabi ni Consul General Donna Rodriguez noong Abril 2025 na hindi lalampas sa 20 ang bilang ng mga undocumented na Pilipino sa Amerika at nasa ilalim ng kustodiya ng Immigration and Customs Enforcement (ICE).

Ilang Pinoy naman ang hindi pinahintulutang makapasok sa U.S. borders dulot ng discrepancies sa travel documents at mga dating may criminal record, batay sa Philippine Consulate sa New York noong Agosto 2025.

Noong New Year naman nang may madakip na isang Pilipina sa operasyon ng ICE.

Inilahad ni Atty. Gurfinkel ang basic rights ng mga Pilipino sa U.S. kapag naka-encounter ng ICE?

“If ICE knocks at the door, you’re not supposed to open it. Instead, if they say they have a warrant, ask them to slip it under the door,” sabi ni Atty. Gurfinkel.

Sinabi ni Atty. Gurfinkel na dapat “judicial warrant” ang ipapakita ng mga awtoridad, o warrant na pinirmahan ng isang judge. Huwag silang pagbubuksan ng pinto o papasukin kung wala nito.

Kung nagpakita naman sila ng judicial warrant, maaari silang pumasok sa loob ng bahay o opisina. Gayunman, may karapatan pa ring manahimik ang isang Pinoy at tumawag sa kaniyang abogado.

Kung sa lugar ng trabaho naman pumunta ang ICE, nagpayo si Atty. Gurfinkel na iwasang magtago o umiwas sa mga awtoridad.

Karapatan pa ring manahimik at kumuha ng abogado, ngunit compliance o pagsunod ang maituturing na “best course of action.”

Importante ring kumonsulta na agad sa mga abogado bago pa man magkaroon ng ICE inspection.

“If you are right now thinking that you have a situation that may result in ICE knocking at the door, maybe you want to see an attorney before that knock comes on the door,” ani Atty. Gurfinkel.

Kung nasa gitna naman ng mga protesta, umiwas na makilahok sa mga “violent activity” o panghaharang sa ICE officials para matiyak ang kaligtasan.

“What you may want to do in those situations is take out your cellphone and just videotape it and later on you can have that as evidence and take it to court,” sabi ni Atty. Gurfinkel.

Kung sakaling madakip at makulong naman ang isang Pinoy sa Amerika, una niyang dapat gawin ang tumawag ng kaniyang abogado.

“You have to figure out, ‘Why was that person detained? Do they have a previous deportation order? Did they have a crime out there, or ICE just doing one of these sweeps?’” ani Atty. Gurfinkel.

Abogado umano ang unang makatutulong na i-evaluate ang mga susunod na hakbang upang maiwasan ang deportation.

Ang abogado rin ang tatayong representative ng Pilipino sa korte kung sakaling umabot doon ang kaso.

Makatutulong din na ihanda ang legal arrangements tulad ng pagbibigay ng power of attorney sa mga pinagkakatiwalaang indibiduwal kung umabot sa puntong kailangang ma-deport pabalik ng Pilipinas.

Kung may anak namang American citizens na gustong ipaiwan sa U.S., itakda na rin kung sino ang magiging legal guardian ng mga ito.

“Have all your records, property titles, or bank accounts easily accessible in case you’re at a stage where let’s say you have a previous deportation order and you’re liable to be picked up and taken straight to the airport,” dagdag ni Atty. Gurfinkel.

May mga proseso naman na maaaring gawin para sa mga undocumented na Pilipino, o mga TNT (tago nang tago).

“Maraming tago nang tago in the U.S., I know that. Many of them are my clients and we are looking at various ways that they can legalize their status and believe it our not, there could be pag-asa,” ani Atty. Gurfinkel.

Puwede silang i-petition umano ng kanilang employer kung saan maaaring umabot ng apat na taon ang proseso.

Maaari din silang i-petition ng kanilang pamilya na posibleng umabot ng lima hanggang 25 taon ang proseso depende sa uri ng petition.

Kung kailangan namang umuwi sa Pilipinas para ayusin ang kanilang mga dokumento, maaari din silang mag-apply ng provisional waiver para sa 10-year bar kung ang kanilang magulang o asawa ay legal na U.S. citizen o immigrant.

Ang 10-year bar ay ang pagbabawal sa muling pagpasok sa U.S. borders sa loob ng 10 taon, na nagsisilbing parusa sa ilegal na pananatili sa U.S. nang mahigit isang taon.

Ilan naman sa mga dokumento na dapat laging nakahanda na maaring magsilbing patunay ng magandang moral standing at mahigpit na ugnayan sa U.S. communities ang mga sumusunod:

  • Passport at visa na ginamit sa pagpasok sa U.S.
  • Records na nagpapakita ng tagal ng pananatili sa U.S. gaya ng tax returns, doctor records at iba pa.

Sinabi ni Atty. Gurfinkel na pinakamainam na kumonsulta pa rin sa immigration lawyers para sa mga payo o legal assistance.

Maaari ding lumapit sa mga Philippine Consulate bagama’t limitado rin ang puwede nilang maibigay na tulong.

Umiwas namang lumapit sa mga hindi lisensyadong immigration consultant na posibleng mas maging sanhi pa ng paglala ng kaso.

“Many of you have been in the U.S. for many, many years. You have been in the U.S. since before 2016. That was when Trump was first president. He was tough on immigration and immigration enforcement during his first term. You survived. I would say you’ll survive again,” ayon kay Atty. Gurfinkel.

“Make an appointment with an attorney just like you have a medical checkup. Have an immigration checkup. No guarantee there’s something available now but at least you’ll have peace of mind if there is or if there is not. But my bottomline is have faith, have strength, have pag-asa,” dagdag niya.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News