Ginulpi na, pinagnakawan pa ang isang senior citizen na Pakistani matapos siyang makabangga ng isang apat na taong gulang na babae sa Pulang Lupa Uno, Las Piñas City.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente gabi ng Pebrero 17.
Mapanonood sa video na pinagsusuntok ang driver ng kotse ng dalawang lalaki habang pumasok naman sa loob ng sasakyan ang iba pang lalaki.
Sinabi ng Las Pinas City Police Station na walang plano noon ang Pakistani na takbuhan ang batang kaniyang nabangga.
"Hindi raw talaga niya napansin 'yung bata, nagulat na lang siya at may nabangga siya at na-run over niya 'yung bata... nu’ng nakita po ng mga bystander kasi marami pong tao sa lugar na 'yun ay kinuyog po siya,” sabi ni Police Colonel Wilson Delos Santos.
Ayon sa pulisya, ninakawan din ang dayuhan habang kinukuyog.
“Nawawala 'yung passbook niya at 'yung wallet naman daw niya ay naibalik kaya lang wala na rin pong pera 'yung wallet... pero ito pong sa nawawalang gamit niya ay meron na po tayong person of interest na iniimbestigahan natin,” sabi pa ni Delos Santos.
Sinabi pa ng pulisya na gumugulong na ang hearing sa barangay laban sa mga nanuntok sa dayuhan.
Samantala, hindi na umano magsasampa ng reklamo ang pamilya ng batang nabangga matapos silang magkasundo na sasagutin ng Pakistani ang pagpapagamot sa bata, na nasa ospital pa rin hanggang ngayon. —Jamil Santos/Jhomer Apresto/VBL GMA Integrated News
