Isang bagong silang na sanggol na babae ang nakita ng mga residente sa hukay na natatabunan ng lupa at mga tuyong dahon sa isang taniman sa Bayambang, Pangasinan. Ang sanggol, buhay pa nang makita pero pumanaw din kalaunan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nakita ang sanggol sa Barangay Sanlibo noong Martes matapos na may mapansin na bakas ng mga dugo sa lupa ang isang magsasaka.
Dahil nabahala, ipinaalam ng magsasaka sa mga opisyal ng barangay at iba pang residente ang kaniyang napansin.
“Ngayon, may nakita silang blood doon sa portion na lupa sa may maisan. Siyempre, nagtaká at naalarma ‘yung may-ari,” sabi ni Luzviminda Tamondong, punong barangay.
Nang sundan ng mga residente ang bakas ng dugo, umabot sila sa isang puno ng mangga at nakarinig ng iyak ng bata. Nang hanapin ang sanggol, nakita nila ito sa isang hukay na natatabunan ng lupa at mga tuyong dahon.
“May napansin sila na unusual na ‘yung naipon na tuyong dahon ng mangga kaya ‘yun ang tiningnan nila,” ani Tamondong, na sinabing paa ng sanggol ang unang nakita ng mga residente nang hawiin ang mga tuyong dahon.
“Ibig sabihin, bata. Tapos may narinig sila na parang umiiyak… Na-aware sila na tingnan ‘yun at doon nga nakita nila bata,” dagdag niya.
Ayon sa residenteng kumuha sa sanggol, may lupa sa ilong at bibig ng sanggol na kanilang inalis at saka nila ito dinala sa ospital.
Sa kasamaang-palad, hindi na rin naisalba ang buhay ng sanggol at pumanaw sa ospital.
Natukoy naman ng mga awtoridad at isinailalim sa kanilang kustodiya ang ina ng sanggol. Hindi pa siya nagbibigay ng pahayag. – FRJ GMA Integrated News
