Sinabi ni Pangulong Donald Trump na uutusan niya ang federal agencies na simulan ang paglalabas ng mga dokumento ng gobyerno na may kaugnayan sa mga alien at unidentified flying objects (UFO), dahil sa umano’y matinding interes ng publiko tungkol sa isyu.

Sa isang post sa social media, sinabi ni Trump na iuutos niya kay Pentagon chief Pete Hegseth at sa iba pang ahensiya na ilabas ang impormasyon tungkol sa naturang isyu na tinawag niyang "extremely interesting and important."

Una rito, kahit walang ipinapakitang na ebidensiya, inakusahan ni Trump si dating Pangulong Barack Obama, nang hindi umano tamang nagsisiwalat ng classified information sa publiko tungkol sa mga alien, at sinabing “big mistake” ang ginawa ni Obama.

"He took it out of classified information ... He's not supposed to be doing that," saad ni Trump sa mga mamamahayag habang bumibiyahe sa Georgia.

Sa isang panayam na inilabas noong Sabado sa podcast ni Brian Tyler Cohen, tinanong si Obama kung totoo ba ang mga alien.

"They're real, but I haven't seen them, and they're not being kept in ... Area 51. There's no underground facility unless there's this enormous conspiracy and they hid it from the president of the United States," ani Obama.

Ang Area 51 ay isang classified Air Force facility sa Nevada na matagal nang pinaniniwalaang, ayon sa ilang teorya, na nagtatago ng mga bangkay ng alien at bumagsak na isang spaceship. Ayon sa mga archive ng CIA na inilabas noong 2013, isa itong testing site para sa mga top-secret spy plane.

Samantala, walang indikasyon sa mga pahayag ni Obama na nagsiwalat siya ng classified information. Hindi tumugon ang kaniyang tanggapan sa kahilingan para sa komento.

"I saw no evidence during my presidency that extraterrestrials have made contact with us. Really!" saad ni Obama sa Instagram post nitong Linggo.

Ipinaliwanag din ni Obama sa naturang post, na ang kaniyang paniniwala na maaaring may buhay sa ibang bahagi ng kalawakan ay dahil sa napakalawak ng universe at mataas ang statistical odds. Gayunman, idinagdag niya na mababa ang tsansa na nakarating sa Earth ang mga ito dahil sa napakalayong distansiya.

Kasunod ng kaniyang mga komento tungkol kay Obama, sinabi rin ni Trump na wala siyang nakitang ebidensiya na may mga alien, at sinabing, “I don't know if they're real or not."— mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News