Ipatutupad na ang ikalawang bahagi ng taas-singil sa pagdaan sa North Luzon Expressway (NLEX) simula sa June 4.

Aprubado ng Toll Regulatory Board (TRB) ang naturang taas-singil, ayon sa inilabas na pahayag ng NLEX Corporation.

Sa ilalim ng bagong toll matrix, ang mga motoristang bumibiyahe sa NLEX sa open system ay magiging P74 para sa Class 1 vehicles (dagdag na P5 mula sa salukuyang P69); magiging P186 naman para sa Class 2 (mula sa kasalukuyang P172 o dagdag na P14); at P223 naman sa Class 3 vehicles (mula sa P206 o dagdag na P17).

Ang open system ay mula sa Balintawak, Caloocan City hanggang Marilao, Bulacan, habang sakop ng closed system ang mula Bocaue, Bulacan at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga, kasama ang Subic-Tipo.

Ang mga bibiyahe sa NLEX na mula Metro Manila hanggang Mabalacat City ay madadagdagan ang toll fee ng P27.00 para sa Class 1; P68.00 sa Class 2; at P81.00 sa Class 3 vehicles.

“The additional rates, which followed strict compliance with regulatory procedures and underwent thorough review, were part of the approved periodic adjustments of NLEX due in 2019 and 2021,” ayon sa pahayag ng NLEX Corp.

“The increase was deferred and divided into two tranches to help curb the inflationary strains and ease the impact on the users of the expressway,” dagdag nito.

Pinayagan ng TRB ang pagpapatupad ng unang bahagi o 50% ng inaprubahang toll adjustments noong May 25, 2023.  —FRJ, GMA Integrated News