Sugatan ang isang babaeng tauhan ng tindahan ng pagkain at isang delivery rider na kumakain nang tamaan sila ng bala na ipinutok ng isang driver ng kotse sa Mandaluyong City. Ang puntirya talaga ng suspek, ang driver ng kotse na nakagitgitan niya sa kalsada.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa CCTV footage ang habulan ng dalawang sasakyan sa Barangay Addition Hills.

Pagdating sa F. Martinez Street, nag-u-turn ang nauunang kotse habang tumigil naman sa kabilang linya ang puting kotse ng suspek at nagpaputok.

Matapos nito ay tumakas ang suspek patungo sa Shaw Boulevard at Kalentong.

“Nagkagitgitan lang, nagkayabangan dahil pareho ang sasakyan nila na naka-setup… Maluwag ang kalsada, nagkakahabulan,” ayon kay Mandaluyong Police Assistant Chief Police Lieutenant Colonel Robert Delos Reyes.

Ang bala na ipinutok ng suspek, tumama sa balikat ng babaeng trabahador sa kainan, at isang lalaking delivery rider na tinamaan sa paa habang kumakain.

Dinala ang dalawa sa ospital at maayos na ang lagay.

Nagsagawa ng backtracking ang mga pulis sa mga posibleng pinuntahan ng suspek na namaril hanggang sa matunton siya sa Intramuros sa Maynila.

Pero nang aarestuhin, pumalag daw ang suspek kaya nabaril sa balikat.

“Pinaandar niya yung sasakyan, then hanggang sa hinabol at na-corner… Tumigil naman pero nag-resist,” ani Delos Reyes.

Nakuha sa suspek na dinala sa ospital ang isang baril na kalibre .45 at mga pinaghihinalaang ilegal na party drugs.

Ayon kay Eastern Police District Director Police Brigadier General Wilson Asueta, sasampahan nila ng reklamong three counts of frustrated homicide, direct assault, illegal possession of firearms, violation of the Dangerous Drug Law at resistance to agents of authorities ang suspek. —FRJ, GMA Integrated News