Nasawi ang isang babae, habang sugatan ang kaniyang asawa, matapos sumemplang ang kanilang motorsiklo at magulungan siya ng truck sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente sa may Mel Lopez Boulevard pasado 11 p.m.

Bigla na lamang sumemplang ang magka-angkas kaya ilang sandali lang, nagulungan na ng dumadaang truck ang babaeng empleyado ng ospital sa Maynila.

Agad itong ikinasawi ng babaeng backride, samantalang nagtamo ng mga galos ang driver ng motorsiklo.

Ayon sa barangay, nanggaling sa kaniyang trabaho ang babae.

Samantala, tumakas ang nakasagasang truck.

"Medyo madilim po kaya hindi po nila [makuha ang detalye] ng truck na [nakasagasa] sa kanila. Kasi roon po sa kalsada po roon, talagang maraming naaaksidente dahil mabuhangin po. Saka mabilis po yata ang takbo niya," sabi ni Lucita Mercado, desk officer ng Brgy. 101.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-alangan ang asawa ng biktima matapos lumabas ang isang motorsiklo mula sa Katuparan Street kaya napahinto ang rider na nagresulta ng kanilang pagsemplang.

Patuloy na nagsasagawa ng backtracking ang mga awtoridad sa iba pang kalapit na barangay upang mahanap ang driver ng truck.

Mahaharap ang driver ng truck sa reklamong reckless driving resulting in homicide, physical injury at damage to property. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News