May panibagong kalbaryo para sa mga motorista sa susunod na linggo dahil sa inaasahang malakihang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo. Ito na ang ikatlong sunod na linggo ng taas-presyo sa langis ngayong 2025.
Ayon kay Rodela Romero, Assistant Director ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau, base sa mga pagtaya mula sa international fuel trading sa nakaraang apat na araw, ang inaasahang madadagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo ay ang mga sumusunod:
Gasolina – P1.35 hanggang P1.60 kada litro
Diesel – P2.30 hanggang P2.60 kada litro
Kerosene – P2.30 hanggang P2.50
Inihayag din ng opisyal na nakaapekto sa galaw sa presyo ng langis ang mga balita sa daigdig tulad ng inaasahang panibagong sanctions ng US at UK sa Russian oil.
"This will result in a reduction of Russian exports thereby could push global crude prices higher in the near term, as the market adjusts to the loss of supply from one of the world’s largest oil producers,” dagdag ng opisyal.
Inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na mga pagbabago sa presyo tuwing Lunes, na ipapatupad sa sumunod na araw.
Noong Enero 14, 2025, itinaas ng mga kompanya ng langis ang presyo ng gasolina at kerosene ng P0.80 kada litro, habang ang presyo ng diesel ay tumaas ng P0.90 kada litro.
Sa ngayon, ang gasolina at kerosene ay may kabuuang pagtaas na P1.80 kada litro, habang ang diesel ay tumaas ng P2.30 kada litro. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News

