Hindi itinago ng mga magulang ng viral sampaguita vendor na masama ang loob nila sa ginawa ng security guard sa kanilang anak. Napag-alaman na 22-anyos na college student na ang dalaga at mayroong kakambal.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing isang medical technology student ang sampaguita girl na itinago sa pangalang "Marie," habang nursing student naman ang kaniyang kakambal.
“Masakit sa kalooban kasi akong nanay hindi ko sila nahampas ng ganyan. Masakit kasi ginawa nila sa anak ko, na sinipa parang ganoon naghahanap-buhay nang maayos,” ayon sa ina ni Marie.
“Nakikiupo lang siya kasi umaambon ng time na 'yon.… Eh ngayon dumating ang guard. Pilit siya pinapaaalis. Ang anak ko na 'yan 'pag alam niya tama siya ipaglalaban niya sarili niya eh hanggat hindi nagkakaunawaan, hinablot ngayon ang sampaguita,” sabi naman ng ama ni Marie.
December 17, 2024 umano nang mangyari ang insidente sa labas ng SM Megamall. Tinanggal na sa mall ang sangkot na security guard sa insidente.
Kumikita umano sa Marie sa pagtitinda ng sampaguita na ginagamit nitong panggastos sa kanilang pag-aaral at sa pang-araw-araw na gastusin.
Una rito, nagkaloob umano ang Department of Social Welfare and Development ng P20,000 tulong kay Marie.
Ipinaliwanag din na high school uniform ang gamit ni Marie dahil na rin sa kakapusan ng pera ng pamilya.
“Dahil nga mahirap sila, kung anong available na uniform ay ‘yun po ginagamit nila,” saad ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao.
Maghahanap din umano ang DSWD ng paraan kung papaano matutulungan si Marie sa pagtitinda nito ng sampaguita.
Handa naman umano si Marie at pamilya nito na patawarin ang security guard.
“Hindi na kami mag-ano ng kaso... Malay mo may pamilya siya na nag-aaral kagaya sa amin… Naawa kami kasi parehas lang kami na kumakain ng ano...,” sabi ng ina ni Marie.
Sa kabila nito, desidido ang pulisya na sampahan ang reklamong administratibo ang sekyu.
“Binibigyan po natin sila next week ng specific date na mag-appear sa ating opisina. Sakaling hindi siya lumutang, pati yung agency, mag-i-initiate na po tayo ng formal filing ng administrative complaint,” ayon kay PNP Civil Security Group Spokesperson Police Lieutenant Colonel Eudisan Gultiano. -- FRJ, GMA Integrated News