Binaril ang pinatay ang acting manager ng Puerto Princesa International Airport sa Palawan nitong Miyerkoles ng hapon, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ngayong Huwebes.

Sa isang pahayag, nabahala ang CAAP sa nangyaring pagpatay sa biktimang si Joanna Jonson-Infante, at nanawagan sa mga awtoridad ang mabilis na imbestigasyon para mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.

"Our thoughts and prayers are with her and her loved ones during this critical time. We trust that law enforcement authorities will pursue this case with urgency and ensure that justice is served," ayon kay CAAP Director Raul del Rosario.

Sinabi ng CAAP na nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon.

Sa hiwalay na pahayag, inihayag ng Puerto Princesa City Police Office na nangyari ang pamamaril sa Bayview Road sa Barangay San Pedro dakong 5:28 p.m. nitong Miyerkoles.

Sa paunang imbestigasyon, nakita sa CCTV camera na naglalakad si Infante papunta sa simbahan nang lapitan siya ng salarin at ilang beses na pinagbabaril.

Nakatakas ang salarin, habang pumanaw naman ang biktima habang ginagamot sa ospital.

Bumuo na ang pulisya ng special investigation task group (SITG) para matutukan ang kaso upang kaagad na maresolba ang krimen.— Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News