Natalo si Alexandra Eala sa World No. 4 na si Coco Gauff, 6-0, 6-2, sa kanilang quarterfinals match sa Dubai Tennis Championships nitong Huwebes ng gabi. Dahil dito, natapos na rin ang kaniyang kampanya sa naturang WTA 1000 tournament.
Sa loob lang ng 26 na minuto, nakuha ni Gauff ang unang set, bago pa siya nakakuha ng apat pang laro upang tuluyang makalamang sa ikalawang set. Sa kabila ito ng pagsisikap ni Eala, na pang-47 sa world rank, na makahabol at nakakuha ng magkasunod na laro.
Ngunit muling nakontrol ni Gauff ang laban at tuluyang nakuha ang puwesto sa semifinals sa loob ng isang oras at pitong minuto.
Bago makaharap si Gauff, tinalo muna ni Eala sina Hailey Baptiste, Sorana Cristea at World No.8 na si Jasmine Paolini.
Dahil sa naturang kabiguan, nagtapos na ang Middle East campaign ni Eala sa torneo.
—FRJ GMA Integrated News

