Nasawi ang isang 33-anyos na rider matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa kasalubong na bus sa Bauang, La Union. Hindi inakala ng ina na huli na pala niyang makikitang buhay ang nag-iisa niyang anak na lalaki na nagtitimpla ng gatas sa kanilang kusina bago mangyari ang trahediya.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabi ni Divina Rimas na hindi niya namalayan na umalis pala ang anak niyang si Virgilio, kaya laking pagkabigla niya nang may nagsabi sa kaniya na naaksidente ito.

Isinugod ang biktima sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nag-overtake umano ang biktima sa isang sasakyan pero hindi na nito naiwasan ang kasalubong na bus na nasa kabilang linya ng kalsada sa Barangay Pottot.

“’Yung bus ay pa-south opposite direction sila, mabilis ang pag-overtake kaya tumama siya sa kanang bahagi ng bus,” sabi ni Police Lieutenant Ferdinand Abenes, chief investigation officer ng Bauang Police Station.

Ayon sa pulisya, hindi na nagsampa ng kaso ang pamilya ng biktima matapos mag-alok ng tulong ang kompanya ng bus.—FRJ GMA Integrated News