Nadakip na ng mga awtoridad ang isang Taiwanese na umano’y utak sa pag-chop-chop sa katawan ng isang Chinese, na nadiskubreng nakalagay sa isang drum na may kimchi sauce sa Binondo, Maynila noong Linggo ng gabi.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News ngayong Huwebes, sinabing nadakip ang 32-anyos na suspek na may alyas na “Davao,” sa isang hotel casino sa Paranaque City nitong Miyerkoles ng hapon.
Natukoy na rin umano ang pagkakakilanlan ng biktima na may alyas na “Xiangyang.”
Hindi binanggit sa ulat kung ano ang motibo sa nangyaring karumal-dumal na krimen.
Nakipagtulungan umano ang kinakasama ng suspek para matunton ang kinaroroon ni “Davao.”
Nakuha rin ng mga awtoridad ang isang lagare at patalim na pinaniniwalaang ginamit sa pagputol sa mga bahagi ng katawan ng biktima.
Una rito, nakita ang suspek sa CCTV footage sa isang condominium sa Pasay city na itinutulak sa trolley ang asul na plastic drum na kinalalagyan ng katawan ng biktima noong February 15.
Nadakip din ang kasabwat ni Davao na siyang kumuha ng sasakyan na pinaglagyan ng drum upang madala sa Maynila.
Nakatakdang basahan ng reklamo si Davao sa Pasay Prosecutors Office.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan siya ng pahayag. — FRJ GMA Integrated News
