Humingi umano ng paumanhin ang security guard na nahuli-cam sa viral video na sinira ang paninda ng isang babaeng sampaguita vendor. Hindi rin siya inalis sa trabaho ng kaniyang agency habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing humarap sa Philippine National Police (PNP) ang naturang security guard at kinatawan ng kaniyang security agency para magpaliwanag sa nangyaring insidente sa labas ng isang mall sa Mandaluyong City.
Napag-alaman na Disyembre nangyari ang ginawang pagtaboy ng security guard pero kamakailan lang nag-viral. Inakala noong una na bata ang vendor sa video pero napag-alaman kinalaunan na 22-anyos na at isang college student.
BASAHIN: Pamilya, nagpaliwanag kung bakit high school uniform ang suot ng 'Sampaguita Girl' na kolehiyala na
Sinabi umano ng sekyu na napuno siya kaya itinaboy ang vendor at sinira ang paninda nito na mga sampaguita.
Ayon sa security agency, hindi nila tinanggalan ng trabaho ang sekyu pero naka-off detail siya habang nagsasagawa rin sila ng imbestigasyon.
Magdadagdag din umano sila ng mga pagsasanay at programa para sa kanilang mga guwardiya.
“Ang sa amin lang, sa sitwasyon na 'yun, kinausap na lang namin yung guard namin na sana 'wag na ulit mangyari yun. At saka kung ano man ma-encounter, susundan na lang yung natin yung tinuturo sa mga tranings,” ayon kay Marvin Lacanglacang, operations manager ng Red Eye II Security and Services Inc.-- FRJ, GMA Integrated News