Sa utos ni Donald Trump na nanumpa na bilang bagong pangulo ng Amerika, pinakakalas niya ang kanilang bansa mula sa World Health Organization (WHO). Bukod dito, lalayasan din muli ni Trump ang Paris climate deal gaya nang ginawa niya noong una siyang mahalal na pangulo.
Matapos manumpa nitong Lunes sa kaniyang opisyal na pagbabalik sa White House, pinuna ni Trump ang kapalpakan umano ng WHO sa pagtugon sa COVID-19 pandemic at iba pang pandaigdigang krisis sa kalusugan.
Ayon kay Trump, nabigo ang WHO na malayang kumilos mula sa tinawag niyang "inappropriate political influence of WHO member states" at nag-obliga ng "unfairly onerous payments" mula sa U.S. na hindi umano kapantay ng kontribusyon ng ibang mga malalaking bansa katulad ng China.
"World Health ripped us off, everybody rips off the United States. It's not going to happen anymore," saad ni Trump matapos ang kaniyang inagurasyon para sa ikalawa niyang termino bilang lider ng US.
Wala pang komento ang WHO sa pahayag ni Trump.
Kapag natuloy, mayroon 12 buwan ang US upang iwanan ang WHO, at ititigil na nito ang lahat ng pinansiyal na kontribusyon sa mga gawain ng organisasyon.
Ang Amerika ang pinakamalaking nagbibigay ng pinansyal na suporta ng WHO, na nag-aambag ng halos 18% ng kabuuang pondo nito. Kapag nawala sa WHO ang US, posible umanong manganib din ang ilang programa ng organisasyon, ayon sa ilang eksperto--kabilang ang pagtugon sa sakit na tuberculosis, HIV/AIDS at iba pang problema sa kalusugan.
Nakasaad sa direktiba ni Trump ang pagtigil ng US sa pakikipagnegosasyon sa WHO pandemic treaty, habang isinasagawa ang withdrawal. Kasama rito ang pag-aalis sa WHO ng lahat ng kanilang tauhan sa organisasyon.
Maghahanap naman ang U.S. ng makakasama na maaaring gawin ang mga ginagawa ng WHO.
Magsasagawa rin ang gobyerno ng pagsusuri, bawiin, at papalitan ang 2024 U.S. Global Health Security Strategy sa lalong madaling panahon.
Dati na ring binalak ni Trump na kumalas mula sa WHO sa kaniyang unang termino matapos niyang akusahan ang organisasyon na tumutulong sa China "to mislead the world" tungkol sa tunay na pinagmulan ng COVID.
Sinuspinde rin niya ang kontribusyon ng US sa WHO noong 2020-2021 na nagkakahalaga ng $200 milyon.
Kalas din sa Paris climate deal
Inanunsyo naman ng White House na muling aalisin ni Trump ang Amerika mula sa Paris climate agreement, na ginawa rin niya noong una niyang termino bilang pangulo.
Dahil sa naturang desisyon, makakasama ng US ang Iran, Libya, at Yemen bilang mga bansa na hindi kasapi sa naturang kasunduan na binuo noong 2015. Nakapaloob sa kasunduhan na limitahan ang global warming sa 1.5 degrees Celsius (2.7 degrees Fahrenheit) mula sa mga pre-industrial na lebel upang maiwasan ang pinakamalalang epekto sa pagbabago ng klima.
Nagpapakita ang anunsyo na nakasaad sa isang dokumento mula sa White House, ng pagdududa ni Trump tungkol sa epekto ng global warming. Nais niya rin na alisin ang mga regulasyon sa mga kumpanya ng langis at gas ng U.S. upang makapagpatuloy ang mga ito sa pagpapalawak ng kanilang produksyon.
Sa ngayon, pangalawa ang Amerika sa world's biggest greenhouse gas emitter kasunod ng China.-- mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News