Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong parusahan ng death penalty by firing squad ang mga opisyal sa gobyerno na mapapatunayan sa korte nagkasala sa kasong katiwalian o pagnanakaw sa pondo ng bayan.

Sa ilalim ng House Bill 11211 o Death Penalty for Corruption Act na inihain ni Zamboanga Rep. Khymer Olaso, sakop nito ang lahat ng public officials, inihalal man o itinatalaga.

Kasama rin ang mga opisyal sa executive, legislative, judicial branches, mga nasa constitutional commissions, government-owned and controlled corporations, at iba pang sangay, kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Nakasaad din sa panukala na papatawan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad ang mga opisyal na napatunayang nagkasala at nilitis sa Sandiganbayan:

  • Nagkasala sa kasong graft sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (causing injury to the government due to partiality)
  • Kasong malversation of public funds (use of public funds for purposes not provided for it) at
  • Kasong plunder o pandarambong (na nagkamal ng aabot sa P50 milyon halaga ng public funds)

Gayunpaman, nakasaad din sa panukalang batas na walang opisyal, italaga man o inihalal, o miyembro ng militar o pulisya, ang maaaring bitayin sa pamamagitan ng firing squad maliban kung:

  • Ang kanilang pagkakasala ay napatunayan ng Korte Suprema
  • Dumaan na sa awtomatikong pagsusuri alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon at iba pang mga umiiral na batas ang hatol; at
  • Nagawa na ng akusado ang lahat ng mga legal na hakbang na naaayon sa batas ng Pilipinas, kabilang na ang mga apela at mosyon para sa mabawi ang hatol.


"These safeguards aim to uphold the fundamental rights of the accused while ensuring that the imposition of the death penalty is applied only in cases where guilt is conclusively established," saad ni Olaso sa panukala.

BASAHIN: Gloria Arroyo on death penalty: A Timeline

Sa ngayon, hindi pinapayagan ang parusang kamatayan sa Pilipinas matapos buwagan ang batas para rito noong 2006.

Ilang panukalang batas na ang inihain sa Kongreso na naglalayong ibalik ang parusang kamatayan.

mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News