Suportado ni Janice de Belen ang love life ng kaniyang mga anak basta masaya ang mga ito. Gaya ng napapabalitang relasyon ngayon ni Kaila Estrada sa aktor na si Daniel Padilla.
Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, ibinahagi ng beteranang aktres ang kaniyang pananaw tungkol sa love life ng kaniyang anak.
“I am just happy that Kaila is happy. ‘Yun lang. Para sa isang parent, ang gusto mo lang ay maging masaya sila,” ani Janice.
“When you see that your child is happy, anong karapatan mong makialam at gumitna doon sa happy? Basta happy ka, ‘yun lang ang gusto ko,” dagdag niya.
Ayon kay Janice, ayaw niyang maging istrikto o mapanghimasok sa buhay ng kaniyang mga anak dahil “naging rebelde din ako in a way.”
"I always asked my parents to trust me. So nagri-ring ‘yun sa ulo ko every time naiinis ako or parang, 'Tama ba to?'" paliwanag niya.
Gayunman, "I have to trust my children na kaya nila, kaya nila paninindigan."
Usap-usapan ang umano’y relasyon nina Kaila at Daniel matapos silang mamataang magkasama mula pa noong nakaraang taon.
Nauna nang nagbahagi si Kaila ng mga larawan mula sa birthday party kamakailan ni Daniel, kabilang ang isang malabong litrato nilang dalawa.
Sa larawan, makikitang magkalapit sina Kaila at Daniel habang nakahawak ang aktor sa likod ng aktres. Kapwa sila nakangiti.
Dating naging karelasyon ni Daniel si Kathryn Bernardo.
Kinumpirma nila ang kanilang hiwalayan noong Nobyembre 2023 matapos ang 11 taon nang pagiging magkasintahan. –FRJ GMA News
