Nananatiling nakatayo ang Calvo Building sa Maynila, na nagsilbing unang tahanan ng DZBB, ang radio station kung saan nagsimula ang GMA Network bilang Republic Broadcasting System noon bago naging himpilan ng telebisyon.
Sa nakaraang episode ng I Juander, sinabing taong 1938 noong itinayo at sumikat dahil sa geometric patterns at detalyadong palamuti ang Calvo Building na matatagpuan sa Escolta.
Naging opisina ito ng ilang sikat na kompanya, bago nagkaroon ng fast food store at botika ngayon sa ilang palapag.
Sa Calvo Building rin unang “tumibok ang puso” ng Kapuso Network, na nagsimula bilang radio station ng Republic Broadcasting System.
Kalaunan, nagkaroon na rin ito ng himpilan ng telebisyon na GMA Network.
Ang Calvo Building ang unang studio ng DZBB, na siyang AM Station ng GMA 7.
Dito itinatag ni Robert “Uncle Bob” Stewart ang DZBB noong 1950.
Juan Luna Building
Samantala sa kalye ng Juan Luna at Muelle de Industria sa Maynila, may isa pang ipinagmamalaking nakatindig na gusali-- ang Juan Luna Building.
Itinayo ito noong 1924 at nagsilbing sentro ng komersyo ng lungsod.
Naging tahanan ito ng ilan sa pinakamalalaking kompanya mula sa iba't ibang panig ng mundo, gaya ng Pacific Commercial Company at First National City Bank of New York.
“Isa itong commercial building na nakasaksi ng economic growth, development ng nasabing distrito ng Maynila. And it's really imperative that we take care, we protect such rare examples of late Spanish colonial architecture with the Juan Luna Residence Building being one,” sabi ni Aljon Concillado, history researcher ng Historic Preservation Division ng National Historical Commission of the Philippines
Sinabi ng heritage architect na si Joel Rico, na naiiba ang disenyo ng Juan Luna Building dahil base ito sa neoclassical architecture na elegante at marangya.
“Ang Juan Luna Building along Pasig River, one of the oldest buildings sa Manila, designed during the American period. It was designed in a neoclassic bauxar architecture,” sabi ni Rico.
Ang classic beauty na gusali, “survivor” din ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na hindi natinag sa kasagsagan ng bombahan noong 1945 Battle of Manila.
Kalaunan, sumailalim ito sa heritage conservation at adaptive reuse, kung saan binibigyan ng bagong paggagamitan ang isang lumang istruktura na hindi tinatanggal ang orihinal nitong arkitektura at kahalagahan sa kultura.
Kabilang dito ang pagsasaayos ng matatayog na column o poste ito, at mga nakaarkong bintana na karaniwang makikita sa mga gusali sa Europa.
Muling nasilayan nito lamang Pebrero ang ganda ng Juan Luna Building.
“Challenge with that is that we cannot touch it because it's private property. It is under the direct supervision also of NHCP, National Historical Commission. But the private sector said yes, kasi it's gonna be their cost. So they invested. Now, as you can see, ang ganda na,” sabi ni Manila Mayor Isko Moreno.
“Maynila is an old city, but it has a lot of story and history. That's the uniqueness. In every building of it, there's always a story to tell. And that attracts domestic and foreign tourism,” dagdag ni Moreno.
Gayunman, hindi biro ang pangangalaga ng isang heritage site.
“Para mag-restore ka ng isang bahay, mas makakamura kung magpapagawa ka na lang ng bagong bahay. So ‘pag pinagsama-sama mo ‘yung cost nu’n, mahal ‘yun. Kaya mas nagiging mas mahal siya by twice the amount,” sabi ni Rico. – FRJ GMA News
