Inaresto ang founder ng Gawad Kalinga na si Antonio “Tony” Meloto sa Angat, Bulacan nitong Biyernes, pagkumpirma ng mga awtoridad.

Nag-ugat ito sa isang arrest warrant para sa dalawang count ng qualified trafficking in persons, ayon kay Police Brigadier General Jess Mendez, regional director ng Police Regional Office 3 (PRO-3) sa ulat ni John Consulta ng GMA News.

Idinagdag ni Mendez na walang piyansa ang kasong isinampa laban kay Meloto.

Sa isang mensahe sa GMA News, sinabi ng abogado ni Meloto na si Atty. Veronica Soriano na pangunahin nilang prayoridad na tiyaking "fully protected" ang mga karapatan ni Meloto.

"We are currently gathering all relevant facts and cooperating with authorities to clarify the circumstances surrounding this matter to ensure that all standard legal procedures and due process were strictly followed," sabi niya.

Ayon kay Atty. Judy Marvel, abogado ng mga nagrereklamo, "We will let the court process take its course."

Noong nakaraang Setyembre, nakitaan ng Department of Justice (DOJ) ng probable cause para kasuhan si Meloto ng umano'y sekswal na pang-aabuso ng dalawang lalaking benepisyaryo noong 2017.

Sinabi sa resolusyon ng DOJ na bumabagsak "within the definition and elements of sex trafficking, qualified by abuse of authority” ang "acts committed" ni Meloto.

“[N]ot isolated acts of sexual misconduct or lascivious acts” ang inasal ni Meloto, kundi “structured system of sexual exploitation facilitated by organizational hierarchy and deception," ayon sa mga prosekyutor.

Mga iskolar ng mga programa ng Gawad Kalinga ang mga nagrereklamo na umano'y dumanas ng sekswal na pang-aabuso mula kay Meloto sa GK Enchanted Farm sa Angat, Bulacan, noong 2017.

Isa sa mga nagrereklamo ang nakaranas din ng pang-aabuso umano habang nasa isang speaking engagement kasama si Meloto para sa GK sa Lyon, France.

Umalis si Meloto sa non-governmental organization sa parehong taon kasunod ng isang internal na imbestigasyon na isinagawa ng GK board. — Jamil Santos/VBL GMA News