Gulpi ang inabot ng isang grupo ng mga menor de edad mula sa isa pang grupo sa kanila umanong gang war sa Santa Mesa, Maynila. Ang isa sa mga lalaki, sugatan nang mapuruhan ng mga suntok.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video na kuha sa Magsaysay Boulevard Biyernes ng madaling araw.
Isang lalaking nakaputing hoodie na hinahabol ng dalawa pang lalaki ang biglang nadapa sa kalsada.
Ilang saglit pa, muling nadapa ang lalaki kaya naabutan na siya.
Tinangka pang tumakas ng lalaki ngunit nahablot ng isa sa mga lalaki ang kaniyang damit, hanggang sa dumating ang dalawa pang lalaki. Dito na pinagtulungang gulpihin ang lalaki.
Hindi na nagawang makapalag pa ng lalaki, at tuluyan na siyang bumulagta sa kalsada.
Bago ang insidente, mapanonood ang biktima na may kasamang apat na lalaki habang naglalakad.
Ilang sandali pa, isang lalaki mula sa kabilang kalsada ang sumugod at pinagsusuntok ang kasama ng biktima, hanggang sa nagtakbuhan na ang grupo ng biktima.
Sinabi ng barangay na pawang mga menor de edad ang dawit sa gulo na hinihinala nilang isang gang war.
“Kakilala nila ‘yung mga nambugbog sa kanila. Parang inabangan, hinabol sila. Tapos parang nagkaniya-kaniya na. Halos naiwan na siya. Hindi na siya binalikan ng mga kasama niya,” sabi ni Michael Garcia, secretary ng Barangay 593.
Matapos bugbugin, nakatakbo ang biktima.
“Nakita siya doon sa may gitna ng NLEX na ginagawa. Marami siyang tama, lalo na sa mukha. Sa may mata, sa bibig, putok ‘yung bibig niya. Tapos 'yung paa niya halos hindi siya makalakad dahil maraming sugat, galos,” dagdag ni Garcia.
Ayon sa salaysay ng biktima sa barangay, mga nakainom sila ng kaniyang mga kasama at may dala rin siyang patalim noon, ngunit naagaw ito ng mga suspek.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ang lalaki ng panig.
Nagpaalala naman ang barangay na nagpapatupad sila ng curfew sa lugar.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Manila Police District sa insidente para mahuli ang mga suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News