Timbog sa Maynila ang dalawang lalaking nasa likod umano ng mga serye ng panghoholdap sa iba't ibang lugar sa Metro Manila. Ang isa, nakasuot pa ng uniporme ng ride-hailing app para magpanggap.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang panloloob ng dalawang suspek sa isang bakery sa Quezon City noong Enero 12.
Mabilis na tinangay ng mga salarin ang bag at mga cellphone ng ilang kostumer sa loob.
Makaraan ang ilang araw, nakita naman ang mga suspek sa CCTV sa Intramuros, Maynila, kung saan katatapos lang umano nilang mangholdap ng isang Hapones, ayon sa pulisya.
Bago ang panghoholdap sa Intramuros, napadaan pa sa checkpoint na sakop ng Barbosa Police Station ang mga salarin ngunit nakatakbo sila.
Matapos tumakas, muling nakapangholdap ang grupo sa bahagi naman ng Vasquez Street sa Malate, kung saan naagaw nila sa isang biktima ang kaniyang cellphone.
Agad nagsumbong ang biktima kaya nagkasa ang pulisya ng hot pursuit operation laban sa grupo.
Hanggang sa matunton ang dalawa sa bahagi ng Arroceros, Maynila. Ang isa sa kanila, uniporme ng ride-hailing app ang suot para magbalat-kayo.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang baril at isang motorsiklo.
Natuklasan din ng mga awtoridad na kalalaya lang nitong Lunes ng isa sa mga suspek matapos makapagpiyansa ng P200,000 para sa kasong pagnanakaw.
Labas-pasok din umano sa bilangguan ang mga suspek, dahilan para maniwala ang mga awtoridad na may financer at malaking grupo na kinasasangkutan ang mga ito.
“Hindi po kami riding in tandem, sir,” pagtanggi ng isa sa mga suspek.
Malabo nang makapagpiyansa agad ang mga suspek, na nakatakdang sampahan ng reklamong paglabag sa gun ban sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Bukod pa ang mga isasampang kasong robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News