Palasyo, kinumpirma na binigyan ng executive clemency si dating Iloilo mayor Jed Mabilog
Kinumpirma ng Malacañang na binigyan ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. ng executive clemency si dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog. Kaugnay ito sa desisyon ng Office of the Ombudsman laban sa dating alkalde ng "dishonesty" tungkol sa kaniyang yaman.
''Yes, that's true,'' sabi ni Executive Lucas Bersamin sa Palace reporters nang tanungin tungkol sa executive clemency na ibinigay kay Mabilog.
Sa isang hiwalay na pahayag nitong Lunes, sinabi ni Bersamin na ang pagbibigay ng executive clemency kay Mabilog ay dahil na rin sa pagsisikap ng dating alkalde para sa mas mahusay na pamamahala, at mga parangal at pagkilala na natanggap ng Iloilo City sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Sinabi pa ni Bersamin, pinagbigyan ni Marcos ang hiling ni Mabilog para sa executive clemency ''in connection with his administrative case, thereby removing the penalties or disabilities resulting from such case.''
Ayon sa Presidential Communications Office, ang executive clemency ay may kaugnayan sa desisyon ng Office of the Ombudsman noong October 23, 2017, na nagpatalsik si Mabilog sa puwesto matapos na matuklasan na guilty ang dating alkalde sa alegasyon ng serious dishonesty matapos siyang mabigo na ipaliwanag ang kaniya umanong kaduda-dudang yaman na umaabot ng P8.9 milyon mula 2012 hanggang 2013.
Inihayag din ni Bersamin na dahil sa executive clemency, maaaring tumakbo muli sa posisyon sa gobyerno si Mabilog.
Sa kabila nito, nahaharap pa rin si Mabilog sa kasong graft sa Sandiganbayan na isinampa laban sa kaniya at kay Konsehal Plaridel Nava II, ng Office of the Ombudsman noong 2023. Kaugnay ito sa umano’y pakikialam nila sa pag-award ng isang kontrata ng gobyerno sa isang towing services firm na may interes sila.
Noong nakaraang Setyembre, naglagak ng piyansa si Mabilog kaugnay ng mga kasong katiwalian.
Matatandaan na nakalista sa drug list ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Mabilog noong 2016. Pinabulaanan ni Mabilog ang paratang inihayag na "very unfortunate and disconcerting," ang pagkakasama niya sa listahan.
Inihayag naman ni Bersamin na hindi na mahalaga ang akusasyon laban kay Mabilog na nagdawit dito sa ilegal na droga.
''President Duterte accused him of being the drug lord in Iloilo City, whether that is true or not, that is irrelevant now,'' ani Bersamin.
Sa hiwalay na pahayag, pinasalamatan ni Mabilog sa Marcos sa ibinigay sa kaniyang executive clemency, na itinuturing niyang "vindication" mula sa mga paratang laban sa kaniya.
''I am personally grateful to God and Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. for granting me this executive clemency,'' ani Mabilog. ''This serves not just as a vindication for the wrongful and deceitful cases filed against me but as the triumph of justice in this country.''
Sa pitong taon niyang pagkaka-''exile'' sa ibang bansa matapos siyang idawit sa ilegal na droga, sinabi ng dating alkalde na kabilang sa mga aral na natutunan niya ang kahalagahan ng pagmamahal at integridad sa pagtaguyod muli ng komunidad.
''This administration upholds justice, which people like me, who are unjustly accused, can somehow be confident to avail themselves of vindication,'' saad ni Mabilog.
Para naman kay dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo, ang pagpapatawad na ibinigay kay Mabilog ay pabuya umano, ''for attacking and besmirching the integrity and reputation of former Rodrigo Roa Duterte, who is a critic of the administration.'' — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

