Ibinahagi ng isang ginang ang kaniyang karanasan nang magkaproblema sa kaniyang paningin, hanggang sa tuluyan na itong nawala.
Sa teaser ng i-Listen with Kara David, ibinahagi ni Josefina Olorocisimo ang unti-unting pagkawala ng kaniyang paningin.
“Nu’ng nagpunta ko sa optha, 'yun palang left eye ko, hindi na nakakakita. Hindi ko namalayan. Akala ko parang normal lang na gano'n,” sabi niya.
Hanggang sa tinapat na siya ng doktor na hindi na magbabalik ang kaniyang paningin.
“I woke up one morning na wala, wala. Sabi ko, ‘Bakit wala akong nakita?’ Tapos dinala niya ako sa hospital… Sa harap niya, sinabihan ako, ‘Jo, wala ka nang pag-asa.’”
Ibinahagi rin ni Josefina, o mas kilala bilang si Jo, ang maling akala ng mga tao tungkol sa kawalan ng paningin.
“Actually, hindi siya dark eh. Puti. ‘Yun nga ‘yung conception ng iba na kapag blind. [Pero] puti. Ito ngayon, puti. Walang kulay. Basta as if naka-face ka sa wall na puti,” sabi niya.
Ibinahagi pa ni Jo na pagsubok sa kaniya ang hindi na niya nakita ang kaniyang anak.
“‘Yun ang isang pinakamahirap sa part ko as a mother na hindi ko nakita ‘yung anak ko. Kasi nu’ng dumating ‘yung anak ko sa amin, hindi na ako nakakakita. Kaya ngayon 24 na ‘yung anak ko hindi ko pa rin nakikita,” sabi ni Jo.
Sa kabila ng kaniyang kapansanan, may asawa na si Jo na si Tatay Tom, na tinanggap siya sa kabila ng kaniyang diperensiya.
“I love her so much. Mahal na mahal ko po siya. Wala akong problema roon (hindi nakakakita). Hindi ko siya roon tinitingnan, kundi ‘yung puso niya,” sabi ni Tatay Tom.
“It's okay to fall. Pero kailangan tumayo ka. Kaya gusto ko maging channel lang ako ng pagbibigay ng pag-asa. Walang imposible. Kasi ako nga sabi ko, there is hope, there is life after blindness. Kung kailan ako nabulag, dun ko nakita 'yung liwanag,” sabi ni Jo.
Tunghayan ang buong panayam kay Josefina Olorocisimo sa “I-Listen with Kara David.”
--FRJ GMA Integrated News
