Hindi napigilan ng isang mister na overseas Filipino worker na maging emosyonal matapos na makitang buo na ang ipinatayo niyang dream house para sa kaniyang pamilya, na bunga ng kaniyang pinaghirapan at sakripisyo.
Sa nakaraang episode ng Good News, ipinakilala ang mag-asawang sina JD at Welfe Ann Lobo-Oville, na ikinasal noong 2019.
Noong una, nakikitira lang at may maliit na kuwarto ang mag-asawa sa bahay ng ina ni Welfe. Kalaunan, nagdesisyon ang mag-asawa na mangibang-bansa si JD para magtrabaho.
“Noong first alis niya, miss ko talaga siya kasi ilang taon din kami nagsama kasama 'yung anak namin. Tapos number one siyang umiiyak kasi iiwanan niya kami,” sabi ni Welfe.
“Sobrang bigat sa pakiramdam ko that time kasi ako 'yung nag-aalaga sa anak ko for two years. And iniisip ko din that time na para din ito sa kanila,” ani JD.
Bumalik na sa Ireland nitong pagpasok ng Enero si JD, na mag-aapat na taon nang mangingisda.
Inamin ni JD hindi biro ang pangingisda dahil sa sobrang lakas ng alon kung minsan.
“Laki po ako sa bukid, nagpapastol ng baka, elementary pa ako hanggang sa pag-high school. ‘Yun po 'yung trabaho ko,” sabi ni JD, na pangarap nang magkaroon ng magandang buhay at magandang bahay.
“Naisip ko balang araw ‘pag magkaroon ako ng trabaho, talagang magpupursigi talaga ako na maipatayo 'yung dreamhouse ko,” dagdag niya.
Sa tulong ng ama ni Welfe, naipasok si JD sa trabaho bilang mangingisda sa ibang bansa.
Pagtapak sa Ireland, binalot ng kalungkutan si JD pero nanatili ang kaniyang determinasyon na magtagumpay para sa kaniyang pamilya.
“Iniisip ko na lang na ‘pag titigil po ako sa pagtrabaho, walang mangyayari. Paano 'yung mga pangarap namin?” anang padre de pamilya.
Ang pagnanais na maipatayo ang kanilang dreamhouse ang nagpatibay kay JD at nagsilbing liwanag sa kanilang mag-asawa.
Sinimulan na nila ang construction ng bahay noong 2023.
“Hindi po ako pinanghinaan ng loob. Kasi kapag unti-unti 'yung nabuo 'yung pangarap mo, parang mas magpupursigi ka pa na gusto mong tapusin,” sabi ni JD.
Kalaunan, nakauwi na rin si JD ng Pilipinas, at naging espesyal ito nang makita na niya ang ipinatatayo nilang bahay.
Mula sa 3.6 square meters nilang kuwarto noon, 264 square meters na ang bahay nila ngayon.
“Bubuhos talaga 'yung luha mo kasi maiisip mo kung gaano ka-risky 'yung trabaho namin. Tapos sa pag-uwi mo may napuntahan lahat,” sabi ni JD.
“Grabe po 'yung happiness na mararamdaman ng isang asawa na makita ang kaniyang husband na masaya. At hindi po nasayang 'yung effort, oras at pagod niya doon sa ibang bansa,” sabi ni Welfe.
Sa tulong naman ng teknolohiya, regular na nagkakaroon ng komunikasyon si JD sa kaniyang mag-ina sa pamamagitan ng video call. Tunghayan sa video ang buong kuwento. – FRJ GMA Integrated News
