Matapos magtago ng ilang buwan, nadakip ng mga awtoridad ang isa sa tatlong suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang lalaki na nahuli-cam na hinabol nila sa Tondo, Maynila noong nakaraang taon.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing naaresto ang suspek noong Biyernes sa isang bahay sa Rodriguez, Rizal.
Sa nahuli-cam na krimen sa Mariones, Tondo noong nakaraang taon, nakita ang tatlong suspek na hinabol ang 25-anyos na biktima.
Nagtangkang magtago ang biktima sa likod ng nakaparadang sasakyan pero makikita ang mga suspek na binabaril pa rin siya.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na onsehan sa ilegal na droga ang motibo sa krimen.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, hepe ng Rodriguez, Rizal Police, nakumpiska rin sa nadakip na suspek ang tatlong baril na hindi lisensiyado.
"Ayon sa kaniya ito yung kaniyang ginamit sa pagpatay," ani Sabulao. "Yung kaniyang pinatay naman daw eh mamamatay-tao din naman daw iyon at may mga kaso na."
Pero itinanggi ng suspek ang alegasyon at sinabing sinisiraan lang siya.
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang dalawa pang suspek na lumilitaw na mga kapatid ng naarestong suspek. --FRJ, GMA Integrated News
