May speed limiting device na ang ilang kompanya ng bus. Pero ayon sa isang grupo ng truckers na hindi pa nagkakabit sa kanilang mga truck, hindi naman nila ito kailangan at dagdag-gastos lang.
Sa halos dalawang taon na pagtatrabaho ni Jayson Nilo bilang driver sa kompanya ng isang bus, malaking bagay aniya ang pagkakaroon ng speed limiter sa kanilang pinapasadang sasakyan.
Ang speed limiter na gamit nila ay parang digital clock na nag-aalarma kapag lumampas na sa 80 km/hr ang bilis ng kanilang bus.
Ayon kay Jayson, “Nag-alarm na siya, doon ko po naano ay naglagpas na pala ako sa speed ko kaya babalik na po ako sa otsenta."
Sinabi naman ng terminal master ng Victory Liner na si Carlito Alcantara, “Malaki po ang tulong nito lalong lalo na po sa mga mananakay at tsaka sa ating kumpanya kasi ang mga mananakay natin ang gusto kasi nila kapag sumakay sila sa bus ay yung kanilang safety.”
Kaya naman ang mga pasahero na regular nang lumuluwas ng Tarlac at Pangasinan, kampante raw dahil dito.
Sabi ng senior citizen na pasaherong si Jane Quizon, “feeling mo mas safe ka kasi siyempre hindi naman mag-o-overspeeding ang driver magiging conscious siya sa speed ng sasakyan.”
Ayon sa pasaherong si Danny Fuentes, “May kontrol at mas safe kasi maraming barubal eh, maraming driver na walang kontrol minsan.”
Ang pagkakabit ng speed limiter device sa mga bus company ay alinsunod sa Road Speed Limiter Act of 2016.
Sa ilalim ng batas, inire-require ng gobyerno ang pagkakabit ng speed limiting device sa mga pampasaherong bus at mga truck para malimitahan sa 90km/hr ang kanilang maximum speed.
At dahil 2016 pa naipasa ang batas, sinabi ng Department of Transportation (DOTr), panahon na para ipatupad ito.
Pero ang Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP), aminadong wala pa silang speed limiting device sa kanilang mga truck.
Ang CTAP ay binubuo ng 1,200 truck operators at may 12,000 units ng truck na may port-related transaction.
Tingin nila, hindi na ito kailangan ng mga truck dahi sa mabigat na daloy ng traffic sa kanilang mga ruta tulad ng Maynila, Bulacan, Cabuyao sa Laguna at Cavite kaya hindi raw sila sumusobra sa kanilang speed.
Ayon sa Pangulo ng CTAP na si Maria Zapata, “lahat na halos kaming mga trucker mayroon kaming RFID na naka-install, tapos yun pang meron pa kaming e-truck na monitoring ng custom, so kung ang purpose lang noon is just to monitor the speed, as I said sabi ko nga sa 'yo para bang wala namang silbi yun. Dahil unang una nga heavy load nga ang dala namin hindi naman kami makakatakbo nang mabilis.”
May meeting daw sila kasama ang DOTr sa Pebrero at posibleng isa ito sa mga mapag-usapan.
“Sa dami na nang gastos ng trucker lalo ngayon na napaka taas ng krudo, everything goes high also with the krudo. So ang tingin namin diyan it’s another burden for the truckers…kung talagang they are seriously to implement na ito, at wala nang urungan, kung mahal nila ang industriya ng trucking ibigay nila nang libre,” ani Zapata. — BAP/FRJ, GMA Integrated News

