Nasawi ang isang 12-anyos na lalaki, habang sugatan ang kasama niyang 17-anyos na lalaki rin, matapos silang batuhin ng bato ng nakaalitan ng huli sa Gingoog City, Misamis Oriental.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na galing sa disco at pauwi na ang mga biktima nang batuhin sila ng bato ng 20-anyos na suspek sa Barangay San Luis.
Ayon sa pulisya, ang 17-anyos na biktima ang puntirya ng suspek dahil sa nauna na nilang alitan.
Tinamaan umano ng bato sa noo ang nakatatandang biktima, at saka tumama sa ulo ng mas batang biktima, ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson, Police Major Joann Navarro.
Dinala sa ospital ang batang biktima pero binawian din ng buhay kinalaunan.
Tumakas naman ang suspek pero naaresto rin kinalaunan sa hot pursuit, at mahaharap sa reklamong homicide and serious physical injury.—FRJ GMA Integrated News

